Abante Tonite Interactive

Malinis na paanakan sa mga barangay prayoridad ni Angara

By
0 192

Bawat barangay, saan mang sulok ng bansa, dapat ay may maayos at malinis na pasilidad ng paanakan para maiwasan ang panganib na maaaring sapitin ng ina at ng kanyang bagong silang na sanggol.

Ito ang panawagan ng reeleksyonistang si Senator Sonny Angara na nagsabi pang dapat tiyakin ng mga kinauukulan na may sapat na tulong-pangkalusu­gan ang mga inang magsisilang at ang kanilang mga sanggol na hindi kailangang gumastos ng napakalaki.

Reaksyon ito ng senador matapos lumabas ang ulat ng World Health Organization (WHO) na tinatayang 830 kababaihan ang nasasawi kada araw dahil sa mga pinagdaanan nilang suliranin sa pagbubuntis at panganganak.

Itinala ng WHO ang 99 porsiyento ng mga insidenteng ito sa developing countries tulad ng Pilipinas.

Sa ipinalabas na estadistika ng gobyerno noong 2017, tinatayang 22.2 sanggol ang namamatay sa kada 1,000 na isinisilang.

Nauna rito ay isinulong ni Angara, chairman ng Senate committee on local government, ang ­Senate Bill 2097 o ang panukalang Magna Carta for Barangays. Layon ng panukalang ito na tulungan ang bawat barangay sa pagsasakatuparan ng kanilang mga tungkulin sa pagpapaabot ng suporta sa kani-kanilang mga nasasakupan at pagpapatayo ng mga kaukulang health centers na aagapay sa mga residente.