Abante Tonite Interactive

Mallari may kinumpisal kay Abueva

578

Aminado ang Phoenix na malaking butas ang kailangang punan ng Fuel Masters sa pagkawala ni Calvin Abueva na binagsakan ng indefinite suspension.

Nalagot ang pagti­timpi ng PBA nang bigyan ni Abueva ng matinding clothesline si TNT import Terrence Jones noong June 2.

Pinagmulta rin ang The Beast ng P50,000 dahil sa ginawa, at dagdag na P20,000 sa verbal altercation sa isang female fan sa hiwalay na insidente.

Pati si coach Louie Alas, nabigyan ng two-game suspension dahil sa insidente sa kaagahan ng TNT game bago ang aksiyon ni Abueva.
Sa unang dalawang laro na wala si Abueva at suspendido si Alas, 0-2 ang Fuel Masters sa Commissioner’s Cup.

Pagbalik ng coach nitong Sabado, bumangon ang Phoenix nang itakas ang ga-buhok na 78-76 win kontra Alaska para sumampa sa 2-3 overall record.
Itinabla ng Aces ang laro sa fastbreak play nina Vic Manuel at Chris Banchero, sablay si Matthew Wright sa kabila pero dinamba ni Justin Chua ang panlima niyang offensive rebound.

Binigay ni Chua ang bola kay Mallari bago nag-slide sa basket. Binalik ni Mallari kay Chua na umiskor sa tutok na basket 9.8 seconds na lang.

Tumama sa backboard ang last attempt ni Kevin Racal sabay sa buzzer. Naputol ang three-game win streak ng Aces at natengga sa 4-3.

“It’s hard to fill up what we’re missing from Calvin,” ani Mallari. “Three to four guys have to fill up for impact in the team. We have to play as a team.”

Matikas ngang umayuda ang locals kay Richard Howell na nag-deliver ng 29 rebounds at 24 points.

Tumapos si Mallari ng 15 points, 14 si Wright at 10 kay Chua.
Hindi pumayag ang Fuel Masters na masilat sa pagbabalik ni Alas.

“We played for him. And we don’t want to be in the bottom of the standings,” dagdag ni Mallari. (Vladi ­Eduarte)