Abante Tonite Interactive

Malungkot na musika pampaiyak ni aktor

510

May kani-kanyang paraan ang iba-ibang artista para sa pag-atake nila sa madadramang eksena. Merong bumabalik sa nakaraan, iniisip ang hirap na kanyang naranasan, dahil du’n ay naitatawid nito ang isang eksenang punumpuno ng iyakan.

Ang iba naman ay sinasariwa ang masaklap nilang yugto sa pakiki­pagrelasyon. Kinaliwa sila ng karelasyon, masakit na masakit ‘yun, kaya parang gripo ang pagtulo ng kanilang luha.

Pero kakaiba ang paraan ng internalization ng isang kilalang male personality na madalas mapanood sa mga serye. Magaling siyang umiyak, nakikiluha sa kanya ang manonood, puwede na siyang ilaban nang sabayan sa mga aktor na nagpapaligsahan sa paramihan ng trophy dahil sa husay nilang umarte.

Kuwento ng aming source, “Ang galing-ga­ling naman talaga niyang umarte, saka ang mga mata niya, nagsasalita kahit wala siyang dialogue!

“Nakukuha niya ang publiko sa pag-iyak niya, pinapalakpakan siya, bulag na lang kasi ang magsasabing ham actor siya. Pero alam n’yo ba kung ano ang ginagawa niyang paraan para makaiyak siya sa madadramang eksena?
“Kailangan niya ng malulungkot na music. Kailangan niya munang pakinggan ‘yun, ninanamnam niya talaga ang piyesa, para lang makaiyak siya!

“Nu’ng minsang may dumalaw sa set ng seryeng ginagawa niya, e, nagtaka ‘yung bisita kung bakit ang lakas-lakas ng music sa set.

“May nagsabi sa kanya, ‘Para kay ____ (pangalan ng magaling umarteng aktor) po ang music na ‘yan. Kailangan niyang pakinggan ang malungkot na music o kanta para siya makaiyak sa mga eksenang ginagawa niya.

“‘Yun ang klase ng internalization ng male perso­nality, malungkot na music, kailangan niyang pakinggan ‘yun para kapag isinalang na siya sa madramang eksena, nakaiiyak na siya nang bonggang-bongga!” kuwento ng aming impormante.

Napapanood ngayon ang magaling na aktor sa isang seryeng pinagbibidahan ng isang batang babae. Nagpapaligsahan sila sa pagluha, madadrama ang kanilang tagpo, pinapalakpakan ng publiko ang kanilang mga eksenang natural na natural.

‘It’s Showtime’ kulang sa asim ‘pag wala si Vice

Matindi ang virus na umatake kay Vice Ganda. Kundi niya aagapan ang kanyang sakit ay mauuwi ‘yun sa mas matinding problema. Hindi biro ang pagdudumi at pagsusuka.

Ilang araw na wala sa It’s Showtime si Vice. Hindi siya pinayagan ng kanyang doktor na kapatid na sa bahay lang siya magpa­hinga, kinailangan niyang magpaospital, mino-monitor nito ang kanyang kundis­yon.

At dahil wala nga si Vice sa noontime show ay nagmamarakulyo ang kanilang mga suking tagapanood. May isang kaibigan nga kaming nagsabi na kumbaga raw sa si­nigang ay kulang na kulang sa asim ang It’s Showtime kapag wala du’n si Vice Ganda.

“Hina­hanap ko ang atake niyang mababaw na malalim. Kasi, ‘di ba, kahit nagko-comedy si Vice, e, mahahanapan mo ng lalim ang mga sinasabi niya sa ere?

“Kahit nu’ng nasa co­medy bar pa lang siya, e, kitang-kita mong nagri-research siya, nagbabasa siya, alam niya pati ang pagtaas at pagbaba ng presyo ng gasolina!

“Si Vice talaga ang poste ng noontime show nila, nagsasalimbayan na sa pagsasalita ang mga co-hosts niya, pero kulang na kulang pa rin! Hindi sila nakakaaliw panoorin!

“Kailangan talagang nandu’n si Vice para ma-enjoy mo ang show. ‘Yung walang dead air, ‘yung sasakit ang panga mo sa katatawa, tapos, marami ka pang mapupulot sa mga sinasabi niya,” papuri ng aming kaibigan sa sikat na komedyante.

Pero tama lang na bigyan ng panahon ni Vice Ganda ang kanyang kalusugan. Kakambal ng LBM ang sobrang tensiyon at stress sa araw-araw.
Lagi nating tatandaan na iisa lang ang ating katawan. Hindi tayo nakabibili ng panibagong buhay kahit sa pinakasikat na mall.

Sabi nga ni prop, “He has to rest. He needs that, life is not offered over the counter kahit gaano pa siya kayaman.”(Cristy Fermin)