Abante Tonite Interactive

Malupit ang politika

By
418

Nakakuha ng katapat si House Speaker Pantaleon Alvarez.
 
Head-on ang banat ni Davao City Mayor Sara Duterte Carpio sa ‘top man’ ng Mababang Kapulungan.
 
Sino ba naman ang hindi magpapantig ang tenga. Akusahan ba naman si Mayor Sara na kabilang sa oposisyon.

Agad dumipensa ang hari ng Kamara, mali raw ang impormasyon na nakarating kay Inday Sara.
 
Hindi binili ng ‘presidential daughter’ ang pahayag ni Alvarez.

Maanghang ang mga binitiwang salita ng mayora laban sa speaker.
 
Tiyak na magiging kapanapanabik ang mga susunod na kabanata.
 
***
 
Ang pinagmulan ng bangayan sa pagitan ng dalawa–na kapwa malapit kay PDU30–ay politika.

At sa lupit ng politika (Philippine style) ang bakbakan sa pagitan nina Mayor Sara at Speaker Alvarez ay tiyak sasamantalahin ng mga politikong may tampo kundi man ay may ‘lihim na galit’ sa Speaker.

Hindi malayong ‘rumesbak’ ang mga ‘nasagasaan ni Alvarez lalo na sa mga pagdinig ng Kamara na naging mainit at naging emosyonal.
 
Malupit talaga ang politika. Ang dami nang sinirang pagkakaibigan at ganon din, ng tahanan­.
 
***
 
Harinawa, ang pagmamalupit sa mga Pinay domestic helper sa ibang bansa ay matuldukan na, naaresto na kasi ang mag-asawang Lebanese at Syrian na responsable sa karumal-dumal na pagpatay sa ating kababayang OFW na si Joanna Demafelis.
 
Ang pagkaka-aresto sa mag-asawa ay simula pa lang para makamit ang katarungan na hiningi ng mga magulang at kapatid ni Joanna.
 
Marami pa kasing dapat alamin ang mga awtoridad kung paano napunta si Joanna sa walang pusong mag-asawa.

Tulad ng sino ang nagpadala sa kanya sa ibang bansa? Katulad rin ba siya ng ibang OFW na hindi nasunod ang kontratang pinirmahan bago umalis ng Pilipinas? Katulad rin ng ibang OFW, ibinenta rin ba si Joanna sa ibang amo?
 
Ngayong hindi na matunton ang placement agency na nag-paalis kay Joana, mahahabol pa kaya ito ng mga awtoridad?
 
***
 
Ang trahedyang ito sa pamilya Demafelis, ang nagtulak kay PDU30 para magpatupad ng ‘deployment ban’ sa Kuwait.
 
Ang daming Kuwaiti-based OFW, lalo na ang mga skilled workers, ang umalma. Nabigla sila sa desisyon, pero kailangang umaksiyon ng gobyerno.
 
‘Political will’ itong matatawag, kahit na maraming OFW sa Kuwait ang sumuporta kay PDU30.
 
Agad sanang mapagtibay ang sinasabing MOU na binabalangkas ng gobyerno ng Pilipinas at Kuwait.
 
Ito kasi ang magiging batayan kung pawawalang bisa na ang ‘deployment ban’ ng mga manggagawang Pinoy sa naturang bansa.