Abante Tonite Interactive

Mamahaling alak ninenok, 2 kaloboso

417

Arestado ang dalawang lalaki matapos mabuking sa pagnanakaw ng mamahaling alak sa isang convenience store, Sabado ng gabi sa Barangay Marikina Heights, Marikina City.

Sa nakalap na report sa tanggapan ng Eastern Police District, inaresto sina Paul Austria, 35-an­yos at Paul Mario, 23, kapwa nahaharap sa kasong theft/shoplifting matapos ireklamo ni Elizabeth Reyes y Cruz, 38, clerk ng 7-Eleven Convenience Store sa Bayan-Bayanan­ Ave., Brgy. Marikina Heights.

Inaresto ang dalawa bandang alas-7:25 Biyernes ng gabi makaraang mabuking sa pagpuslit ng isang bote ng Hennessey Very Special Cognac 20cl na nagkakahalagang P950.00, Johnnie Walker Red label 200ml P175.00, Johnnie Walker Black label 200ml P395.00, isang bote ng Bombay Sapphire 200ml P395.00 at 4 bote ng Bench Perfume 100ml na nagkakahalagang P150,00 kada isa.

Ayon kay Reyes, napansin niya ang kahina-hinalang kilos ng dalawa habang siya ay nasa loob ng stock room at pinanonood ang CCTV monitor.

Nakita niya ang pagsisilid ng bote sa loob ng damit ng suspek habang ang isa pang suspek ay nagsilbing look out nito.

Paglabas ng 7/11, agad na hinabol ang dalawa at nakahingi ng tulong sa mga nasa labas para mahuli sila at nabawi naman ang mga ninakaw. (Vick Aquino)