Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mamalasin ang nagwaldas sa inutang na puhunan

0 96

Hanggang sa Miyerkoles, Setyembre 15 pa tayo nasa ilalim ng MECQ guys kaya manilip muna tayo ulit sa larangan ng politika dahil sa biglang kabig ng IATF.

Sa mga hindi kasi nakakaalala, sa Oktubre 1 ay umpisa na po ang pagsusumite ng mga kakandidato sa halalan sa susunod na taon kaya importanteng makasagap din tayo ng detalye sa mga ganap na ito.

Hindi po maipagkakaila na marami ang natuwa nitong mga nakaraang araw dahil kahit paano ay nagkapera sila, perang bunga ng ayuda matapos na magdeklara na naman ang gobyerno ng ECQ.

Nasa P1 libo hanggang P4 libo ang natanggap ng bawat pamilya, depende sa dami ng miyembro, ang mga napilitang tumunganga na lamang sa bahay nila sa halip na magtrabaho dahil nga sa ipinatupad na pinakamahigpit na quarantine.

Pero ngayong ubos na ang ayudang natanggap nila, dapat na siguro nilang isaiisip na ang perang kanilang natanggap ay inutang lamang na ang ibig sabihin, kasama rin rin sila sa indirektang magbabayad sa takdang panahon ng singilan.

Nitong nakalipas lamang na buwan ng Mayo ng kasalukuyang taon, umabot na sa P11.07 trilyon ang utang ng gobyerno na kung ang Duterte administration ang tatanungin ay bunga ng dinadanas nating pandemya.

Kaya nga kung tutuusin, bawat isa sa atin, kabilang na ang mga bagong luwal pa lamang na sanggol ay kailangang sumuka ng P100 libo para mabayaran ang nabanggit na pagkakautang kung tayo ay oobligahing magbayad ngayon ng isang bagsakan lamang.

Ito ang dahilan kung bakit isinusulong ni Ping Lacson na gayahin ng gobyerno ang sistema ng mga prominente at malalaking pribadong kumpanya sa matagumpay na pagpapatakbo ng kanilang mga negosyo.

Swak na swak ang diskarteng ito ni Ping dahil ang mga malalaking kumpanya ay nagmula din naman sa pangungutang at maayos na pinapagulong ang pera upang mabawi ang puhunan, tumubo, makapagbayad at makautang ulit ng mas malaki-laking halaga para sa mas malawak na proyekto.

Isiping mabuti na sa P5.024-trilyon na badyet para sa 2022, maaring pambayad-utang lamang ang P2 trilyon na kung ang mga nautang ay ginamit sa tama ay napakalaking halaga pa para mailaan sa mga makabuluhang pagkakagastusan.

Bago matapos ang termino ng Duterte administration ay malamang na umabot sa P13 trilyon ang utang ng Pilipinas.

Bilang pagtatapos ay ipapaalala ko po sa inyo ang lumang kasabihan na “hindi puwedeng mamunga ng santol ang bayabas.”

Hindi pa ba ito hudyat para tayo ay maging matalinong botante na sa halalan sa susunod na taon?

Leave A Reply

Your email address will not be published.