Abante Tonite Interactive

Manager tinalakan ng alagang dancer

643

tonite-no-thanks-cristy-fermin
Naubos ang mga naipundar ng isang female personality dahil sa bisyo niyang pagsusugal.

Walang habas kung magsugal ang babae, ubos kung ubos, kaya isang araw ay nagising siya sa katotohanan na lahat pala ng kanyang mga pinaghirapan ay nauwi sa wala.

Maraming nagpapayo sa kanya na tumigil na pero mas malakas ang kaway ng bisyo para sa kanya, hanggang sa pati pera ng kanyang mga alaga ay nagalaw na niya at naipatalo sa sugal.

Kuwento ng aming source, “Sayang na sayang ang mga sakripisyo ng babaeng ‘yun. Ilang taon siyang sumayaw nang sumayaw, hanggang sa magtayo na siya ng sarili niyang grupo.

“Malakas kumita ang grupo niya, in-demand sila sa TV, sa mga fiesta, sa lahat ng okasyon. Hayahay na hayahay ang buhay niya nu’n, para lang siyang namumulot ng sigay sa dalampasigan dahil sa patuloy na pagbuhos ng biyaya para sa kanyang grupo,” pag-alala ng aming impormante.

Ang suweldo ng kanyang grupo ay unti-unti nang apektado, hindi na siya nakapagbibigay sa takdang oras, palaging late at hulugan na ang suweldo ng mga girls.

“One time, hindi na nakapagpigil ang isang member ng grupo, tinalakan talaga siya, ‘yung talak na nu’n lang niya natikman. Binigyan siya ng ultimatum ng girl na kung hindi pa rin siya tumigil sa bisyo niya, e, sabay-sabay na silang aalis sa grupo!

“Sabi niya, e, wala raw utang na loob ang girl na tumalak sa kanya, siya raw ang naka-discover at nagturong magsayaw sa member na ‘yun, pero pinagsalitaan siya nang sobrang sakit.

“‘Yun na ang naging sign, naglayasan na nga sa poder niya ang mga girls, hindi na nila kinaya ang katigasan ng ulo ng ma­nager nila. Pati ang perang kinikita ng grupo, itaya na rin ba sa sugal?

“Habulin man niya ngayon ang panahon, e, wala na siyang magagawa. Lumipad na palayo sa kanya ang suwerte, natunaw nang lahat ang mga pinaghirapan niya. Nganga na siya ngayon,” madiing kuwento ng aming source.

Diego pinatsugi sa ‘Los Bastardos’

Kumpirmadong nakipag-usap na si Teresa Loyzaga sa mga taga­pamuno ng Los Bastardos kung saan isa sa mga bumibida ang kanyang anak na si Diego Loyzaga.

Hanggang maaari ay hindi pa rin pinapatay ang karakter na ginagampanan ng aktor sa serye, umaasa pa rin ang produksiyon sa kanyang pagbabalik, pero ang mismong ina na ni Diego ang nagpaalam para sa kanyang anak.

Nakapanghihinayang ang career ng binatang aktor, hindi naman lahat ng mga nangangarap ay kinakampihan ng kapalaran, pero pinaba­yaan niya pa ang napakagandang oportunidad na hinawakan niya.

May puhunan siyang pangalan, may mukha, may talento. Nakikipagsabayan siya sa pag-arte, propesyonal, pero ang lahat ay nawalan ng saysay. May plano ang kanyang pamilya para kay Diego.

Ang unang kuwentong lumutang ay ipare-rehab siya ng kanyang ina. Hindi dahil sa bisyo ng droga, kundi para bantayan at patatagin siya bilang tao, kailangang lapatan ng patnubay ang depresyong pinagdadaanan ng binatang aktor.

Brusko siyang tingnan, lalaking-lalaki, pero pagdating sa pagharap sa mga problema ay binatang nakalampin si Diego na nangangailangan ng paggabay ng kanyang mga mahal sa buhay.

Minsan na kaming nakapasok sa isang rehabilitation center na ang mga namamahay ay mga kabataang hindi na masuheto ng kanilang mga magulang ang ugali. May tumatakas sa gabi at umaga na bumabalik.

May palasagot sa magulang, kapos na kapos sa respeto, wala nang payong pinakikinggan. Sa loob ng center ay isa-isang ginagamot ng mga dalubhasang doktor ang kanilang mga kalabisan at kakapusan.

May katagalan ang proseso pero paglabas ng naka-rehab ay parang bagong tao na uli siya. Marunong nang rumespeto sa mga mas nakatatanda sa kanila.

Hindi na nakiki­pagkaibigan sa mga taong nanghihila sa kanila pababa at hindi magandang impluwensiya. Matapang na nilang hinaharap ang mga problema dahil pakiramdam nila’y buung-buo na ang kanilang pagkatao.

Napakalaking tulong at paggabay kahit pa may kamahalan ang tuition fee.