Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Manas

0 44

Ang pagmamanas o edema sa ingles (o oedema sa makalumang ingles) ay isang sintomas na agad agad makikita sa pamamagitan ng inspeksyon. Masasabing namamaga ang bahagi ng katawan kung lumalaki ito sa ordinaryong sukat nito. Kung hahawakan at kakapain, maaaring lumubog ang daliri at maiwan ang mga bakas at magmarka ito. Pitting edema ang tinatawag dito. Maliban sa makikita ay siguradong idadaing ng pasyente ang kirot at pakiramdam na nangangapal ang lugar at hirap itong ikilos at igalaw. Iba’t ibang bahagi ng katawan ang makikitaan nito, mula sa mukha, kung may namamagang ngipin, sa braso o siko, kung ito ay naitukod o baka nakagat ng insekto. Ngunit pinakamadalas makita ay sa mga binti at paa. Ito ay dahil may kinalaman sa gravity. Hinihila pababa ang tubig ng ating katawan. Malaki din ang pagkakaiba kung ang maapektuhan ay ang isa lang na paa at binti o kung pareho itong nagmamanas.

Kung isa lang ang naapektuhan, madalas ay may kinalaman ang aksidente. Hindi lang bale ng buto ang magbibigay ng pamamaga, ngunit kahit ang mga soft tissues, gaya ng mga muscle at litid, kung na sprain o strain. Kung minsan ang taba naman o subcutaneous fat ang napepeligro. Nagkakaroon ng impeksyon na tinatawag na cellulitis. Ito ay dahil sa napakadaming ugat sa lugar nito kaya mabilis kumalat ang bakterya. Kung ganito ang karamdaman ay hinahanap ang sugat na naging sanhi nito.

Ngunit kung magkabilang binti ang namamaga at nagmamanas, may ilang pagkakataon na madalas mangyari ito. Kabilang na ang pagbubuntis, o di kaya may trabaho na sobrang pagtayo o pagkilos o sobra naman sa pagkakaupo. Ito’y maaaring mawala kung mabigyan ng pagkakataon, manganak o kung sa trabaho, makapagpahinga ng mabuti mula sa kanilang gawain. Pero kung hindi ito ang mga dahilan, may mga iba pang organo ang apektado dahil hindi na lokal sa bahagi na namamaga ang problema kung hindi sa sistema na. Mga ehemplo nito ay karamdaman sa puso tulad ng congestive heart disease (makikita sa mag eksaminasyon ng puso), sa mga bato o kidneys tulad ng bato sa daanan ng ihi at mataas na protina sa ihi o proteinuria, (nakikita sa pamamagitan ng urinalysis), o naguumpisang bumigay ang mga ito gaya ng renal failure (nakikita sa dugo sa pamamagitan ng creatinine). Kung atay naman ang sanhi maaaring may cirrhosis o paninira nito (sa dugo, ultrasound, o ct scan makikita). Marami pang ibang maaapektuhan gaya ng ugat o blood vessels o di kaya ang lymphatic drainage pati na mag lymph nodes o kulani. Kaya’t madalas ay hindi lang isang doktor ang hihingan ng opinyon kundi iba iba pa, depende sa nakikitang sanhi nito.

Pinakamainam ay agad ipatingin kung nakakapansin ng pamamanas lalo na kung kaakibat ay pananakit at hirap igalaw o ikilos ang bahaging apektado. Kadalasan naman ay kilos ang kailangan. Kung madalas nakaupo, gumalaw. Kung palagi naman nakatayo at malayo ang lakarin, ipahinga. Maaaring magsuot ng compression stockings lalo na kung nasa trabaho nang makatulong sa suporta ng mga binti. Higit sa lahat ay iaangat ang paa. Ipatong sa unan kapag matutulog na, at habang nakaupo naman ay ihanap ng pagpapatungan ang mga ito. Sa pagkain naman ay bawas bawasan ang maaalat at pagdagdag ng asin at iwasan ang paggamit ng maaalat na sawsawan. Ito ay nagpapanatili ng tubig sa katawan imbes na mailabas natin ito kaya lumalala pa ang manas.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Hindi biro ang magmanas, kaya sa oras na mangyari ito, ipakonsulta agad.

Hanggang sa susunod na Martes! Keep healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.