Abante Tonite Interactive

Mandatory drug test sa lahat ng mga gov’t official, hindi sa elementarya

By
462

Isang nakagugulantang na panukala mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ipatupad ang mandatory drug test mula sa mga Grade 4 student o 10-anyos na estudyante.

Nakakagulat ang hakbang na ito ng PDEA na tila hindi sumailalim sa masusing pag-aaral at konsultasyon.

Alam kaya ng PDEA ang idudulot na trauma sa mga batang estud­yante lalo na ang Grade 4 na karamihan ay ina­alalayan at hatid sundo pa ng mga magulang sa eskuwelahan.

Abante Hiring – IT dep

Katuwiran ng PDEA ay may nahuli raw kasi sila na 10-anyos o Grade 4 student na gumagamit ng iligal na droga.

Dapat ay ilabas ng PDEA ang kanilang datos kung daan-daan o libo-libong Grade 4 student na ang sangkot sa paggamit ng illegal drug.

Parang batay sa kuwento ay isang estud­yante lang naman ang nahuling gumagamit ng illegal drug pero gusto ng idamay ang lahat ng estudyante.

Meron bang anak o apo si PDEA Chief Aaron Aquino na may edad 10-anyos na sa tingin niya ay puwede isaila­lim sa mandatory drug test at kaya bang maunawaan ng mga batang ito na sa kanilang murang edad ay pinaghihinalaan na gumagamit ng illegal drug.

Dapat ay ipatupad ang mandatory drug test sa lahat ng opisyal ng gobyerno mula sa Pangulo. Bise Presidnte, lahat ng miyembro ng gabinete at mga undersecretary, assistant secretary, head ng lahat ng ahensiya, mga senador at kongresista at ma­ging sa lokal na pamahalaan mula sa mga gobernador hanggang sa mayor at konsehal kasama na rin ang mga opisyal ng barangay.

May mga ulat na noon pa na may ilang opisyal at politiko umano ang gumagamit ng illegal drug at kung magkakaroon ng mandatory drug test sa mga ito ay magkakaalaman na kung totoo ang balitang may mga adik sa gobyerno.

Bilang mga namumuno sa gobyerno mula national hanggang sa local, marapat lang na matiyak natin na walang adik sa mga opisyal.

Maaaring desperado na ang PDEA sa pagsugpo sa illegal drug pero makakabuting kumilos ang mga ito batay sa mga hakbang na pinag-aralang mabuti at hindi bara-bara.