Abante Tonite Interactive

Mandatory ROTC sa college ‘wag sa Grade 11, 12

264

Kung matutuloy man ang panukalang mandatory Reserve Officers’ Training Course (ROTC), mas mainam umanong umpisahan ito sa kolehiyo at hindi sa Senior High School o Grade 11 at 12.

Ito ang panukala ni Senadora Imee Marcos dahil labag umano sa United National convention kung saan ipi­nagbabawalan na sumailalim sa military training ang mga estudyante sa edad na 18 pababa.

“Medyo kabado pa rin tayo diyan dahil ang totoo ang Pilipinas pumirma sa international standard ‘yung UN convention pag 18 years old pababa talagang ‘di puwede,” pahayag ni Marcos sa panayam ng DZBB.

“So tingin ko, dapat umpisahan na lang natin sa tertiary, sa college level na lang kasi tinuturing na bata at murang edad pa rin pag less than that ay vio­lation na tayo sa UN Convention,” dagdag pa ng mambabatas.

Muling iginiit ni Marcos na dapat ga­wing optional na lang ang ROTC sa kolehiyo sa halip na school requirement sa graduation dahil lumala­bas aniya na isang pagsasanay sa mili­tar ang programang ito.

“Hindi naman maipagkakaila, ‘yung training ng ROTC ay para sa military. Okay lang martsa-martsa pero paano ang ibang skills, ‘yung basic mi­litary drill, basic wea­ponry, military leader­ship wala naman silang tinuturo sa buong ROTC training na ‘di military,” ani Marcos.

“‘Yung ibang option ngayon sa national service ‘yun ang may disaster, okay lang ‘yun pero kung talagang mi­litary tantamount to recruitment malabo ‘yun. At may naaksidente rin kaya mag-ingat tayo,” dagdag pa nito.

Naunang sinabi ng mga opisyal ng mili­tar sa Senado na layunin ng panukalang maibalik ang ROTC na madisi­plina ang mga kabataan, at para hindi rin ma-recruit ng mga makakaliwang grupo.

“Magandang katwiran ‘yan, pero ang totoo it doesn’t work that way, talagang hindi ganu’n ang sistema. Nag-uumpisa ang pagmamahal sa bayan habang maliit ka pa, pag hinabol mo ‘yan sa college, too late the hero ka na, nag-uumpisa ‘yan sa bahay,” paliwanag ng senador.

“Sabi nga ng mga educator kailangan sa pamilya tapos sa eskuwelahan paglaki mo tapos nahuhulma na ‘yan by nine years old, 12 years sa pag-high school puspusan na,” dagdag pa nito. (Dindo Matining)