Abante Tonite Interactive

Mandurukot tumiba; LV wallet na may 35K tinangay

429

Umuwing luhaan ang isang ginang matapos madukutan at tanga­yin ang mamahalin niyang Louis Vuitton wallet na may lamang cash, dollar at mga card sa loob ng isang pampasaherong bus, Miyerkoles ng gabi sa Mandaluyong City.

Sa report sa Eastern Police District (EPD), nagsagawa na sila ng follow-up operation para matukoy ang mga salarin.

Ayon sa biktimang si Maria Socorro Malitao, 58, businesswoman, sumakay siya ng Kellen (aircon) bus patungong Tungko San Jose Del Monte City bandang alas-9:05 Miyerkoles ng gabi sa Boni EDSA North Bound, Brgy. Barangka Ilaya, Mandaluyong City.

Siksikan umano at nakatayo siya nang may humila sa kanyang buhok na umano’y sinadya para hindi niya mamalayan ang pagkuha sa kanyang wallet sa loob ng bag.

Nagawa pang magalit ng biktima na tila kumampi sa kanya ang ilang pasahero na kalaunan ay kasabwat pala ng mga mandurukot na sabay-sabay ding bumaba ng bus.

Nakuha mula sa biktima ang isang Louis Vuitton wallet na naglalaman ng P20,000 at $300 cash, RCBC credit card, China Bank ATM card, Sterling Debit Card, Union Bank Get Go debit card, PNB debit card, UMID card, Voters ID card, Pag-ibig loyalty card, Robinson’s card, Puregold card, SMAC card, Starbucks card, Shakeys card, Jollibee card, MAX’s card, Coffee Bean card, Wise card, Petron va­lue card, at iba pang discount privilege Card. (Vick Aquino)