Abante Tonite Interactive

Mangga: Mura na, masustansiya pa

445

Julius Segovia

Department of Agriculture na ang nagsabi, may da­lawang mil­yong kilong surplus sa suplay ng mangga sa ating bansa. Ibig sabihin, sobra-sobra ang ani kaysa demand ng produkto.

Bunsod daw ang oversupply ng mahabang dry spell na lalong nagpabunga sa mga puno ng mangga.

Kaya naman bagsak presyo na ito sa mga pamilihan, kasunod na rin ng inilunsad na TienDA Mango Festival ng gobyerno. Naglalaro na lang sa pagitan ng 20 hanggang 50 pesos ang kilo ng mangga.

Dito sa amin sa Tanza, Cavite, mabibili mo na lang ng pitong piso ang kilo ng indian mango. Papatak na limampung sentimo kada piraso. Kaya araw-araw kaming may mangga sa hapag.

‘Yan din ang payo ko – imbes maaksaya, bumili­ tayo ng murang mangga sa mga palengke. Nakatulong na tayo sa mga magsasaka, gumanda pa ang ating kalusugan.

Maraming benepis­yong makukuha sa mangga, hilaw man o hinog.

Dahil mayaman sa Vitamins A at C, malaki ang naitutulong ng mangga para manati­ling malakas ang ating resistensiya.

Sagana rin ito sa fiber kaya malaki ang benepisyo sa digestion.

Ayon pa sa ilang eksperto, mayaman din ang mangga sa Vitamin K na mahalaga upang mapigilan ang mabilis na pagkasira ng ating mga buto.

Dahil sa beta-carotene content ng mangga, malaki rin ang naitutulong nito para manatiling malusog ang ating mga mata. Ibig sabihin, napapanatili nito ang malinaw na paningin.

Diuretic ang mangga – mahalaga ito sa ating mga kidney dahil tumutulong ito na mailabas ang sobrang salt at fluid na hindi kailangan ng ating katawan.

Pero gaya ng lagi kong sinasabi, lahat ng bagay basta sobra – nakasasama.
Kaya hinay-hinay lang din sa pagkain ng mangga. Sabi nga ng ilang medical practitioner, ‘always eat in moderation.