Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Manggagantso’ sa Senado

0 238

Walang iba kundi si Jeffrey Celiz, alyas “Ka Eric, ang tinaguriang “star witness” na ibinalandra ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa isinasagawang hearing ng Senado hinggil sa isyu ng red-tagging, o ang pagbansag ng mga opisyal ng administrasyon sa iba’t ibang mga ligal na organisasyon, institusyon, at indibidwal bilang mga “communist-terrorists.”

Kung paniniwalaan ang salaysay ni Celiz, 27 taon daw siyang kumilos bilang komunista, mula nang maging estudyanteng aktibista siya noong 1988 hanggang 2015, samantalang kumilos siya bilang NPA mula 2002 hanggang 2015. Ayon sa kanya, hindi lamang siya ordinaryong gerilya, kundi kagawad ng “National Operations Command” ng NPA. Bilang pambansang opisyal ng NPA, nasa posisyon umano siya para ibunyag na “high-ranking members” ng CPP ang mga dati at kasalukuyang party-list representatives sa Kongreso ng Makabayan bloc, kabilang sina Neri Colmenares, Carlos Zarate, Sarah Elago, at iba pa. Sa kanyang kuwento, animo’y superhero si Celiz na kumausap raw kay Cardinal Sin para patalsikin sa puwesto si dating Pang. Erap Estrada noong 2001; kasama raw ng kapatid ng artistang si Angel Locsin sa Polilio island para magplano ng ambush noong 2005; nakasama rin ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat sa Surigao; nakakaalam kung sino ang pumatay kay Romulo Kintanar, Arturo Tabara, at Popoy Lagman; at marami pang iba.

Sa kabila ng swabe at mabokang presentasyon ni Celiz sa media at sa testimonya niya sa Senado, hindi na maitatago ang tunay na pagkatao, talambuhay, at aktwal na karanasan ni Celiz. Kilalang personalidad siya sa Iloilo, bilang tagapagsalita, at sa kalaunan, tagapangulo ng BAYAN-Panay mula 2000 hanggang 2004. Muli siyang tumampok sa publiko bilang consultant ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas noong 2009 at spokesperson ng mayor na pumalit kay Treñas, si Jed Mabilog, mula 2010 hanggang 2016.

Ano ang nangyari kay Celiz mula 2004 hanggang 2009? Sinalaysay ng kaeskuwela at dating kaibigan ni Celiz, si Atty. Jobert Pahilga, sa kanyang sinumpaang testimonya sa Senado na nagbitiw si Celiz bilang tagapanggulo ng Bayan-Panay sa kasagsagan ng extra-judicial killings ng mga aktibista sa panahon ni dating Pang. Arroyo, kinanlong siya ni Pahilga mula 2005-2006 sa Iloilo at Manila. Noong 2006, lumapit si Celiz kay Department of Justice Sec. Raul Gonzales upang makakuha ng clearance para makapagtrabaho sa ibang bansa bilang OFW, ngunit hindi ito natuloy. Kinatulong nina Pahilga at ilang mga imbestor na Koreano si Celiz sa pagtatayo ng isang English language school sa Tagaytay, at nagturo pa si Celiz dito noong 2008. Kinatulong niya si Celiz nang tumakbo si Pahilga bilang mayor ng Anini-y, Antique noong eleksyong 2010.

Sa madaling sabi, pinabulaanan at winasak ng testimonya ni Pahilga ang kuwento ni Celiz na miyembro siya ng NPA National Operations Command mula 2002 hangang 2015.

Noong 2016, pinangalanan si Celiz ni Pres. Duterte mismo bilang “drug personality.” Mula noon, naglaho siya sa mata ng publiko. Lumitaw siyang muli, bilang “Ka Eric,” star witness ng NTF-ELCAC laban sa mga militanteng grupo. Hindi dapat lunukin ng Senado ang mga kasinungalingan ng isang garapal na manggagantso.

Leave A Reply

Your email address will not be published.