Abante Tonite Interactive

Manggagawang Chinese sa ‘Pinas rendahan

By
169

Iginiit ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano na dapat tutukan ng gobyerno ang pagpasok ng mga illegal alien sa bansa, partikular ang mga manggagawang Chinese na nagiging kaagaw na ng mga Pilipino sa trabaho.
Nababahala na kasi ang mambabatas sa paglobo aniya ng bilang ng mga manggagawang Chinese sa Pilipinas.
“According to the SWS survey on joblessness, around 9.8 million adults are jobless in September this year. This is already higher than the recorded 8.6 million in June. The promised jobs by the Build, Build, Build infrastructure program have yet to benefit the Filipinos. Meanwhile, there is growing concern over Chinese workers, instead of Filipino workers, being employed in Chinese-funded projects here in our country,” komento ni Alejano.
Nauna rito ay nagpaha­yag din ng pagkaalarma ang mambabatas sa magiging resulta ng mga loan agreement ng pamahalaan sa China gayundin ang posibilidad na mas maraming Chinese national ang paboran sa mga proyekto na popondohan ng China sa Pilipinas.
Aniya, kung titingnan ang mga naging karanasan ng ibang bansa na pinautang ng China para mapondohan ang kanilang mga infrastructure project, isa sa mga isyu ay ang employment ng mga Chinese national sa halip na ibigay sa mga lokal na manggagawa.
Tila nararanasan na rin aniya ito ngayon ng Pilipinas dahil sa paglobo ng mga manggagawang Chinese sa bansa na siyang nakikinabang sa mga trabahong dapat sana ay para sa mga Pilipino.
Kaya iginiit ni Alejano na magkaroon ng transparency sa mga loan agreement at infrastructure project sa pagitan ng China at Pilipinas bukod pa sa dapat tutukan ng gobyerno ang pagpasok ng mga illegal alien.
Kamakalawa lamang ay siyam na Chinese national ang dinampot ng mga operatiba ng Bureau of Immigration sa Manila City Plaza mall sa Quiapo, Maynila at sa Two Shopping Center sa Pasay City dahil naghahanapbuhay kahit walang dokumento para manatili sa bansa at walang working permit.