Abante Tonite Interactive

Manggugulo sa UP vs Ateneo Game 2 aarestuhin

By
0 1,095

Nagbabala kahapon ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na aarestuhin ang gagawa ng gulo sa loob at labas ng pagdarausan ng Game 2 ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) men’s basketball finals sa pagitan ng University of the Philippines (UP) at Ateneo de Manila University (ADMU) ngayong Miyerkoles ng hapon.

Kasabay nito, umapela si NCRPO director Chief Supt. Guillermo Eleazar sa mga estud­yante at alumni ng da­lawang unibersidad na maging kalmado at iwasang mag-post sa social media ng mga mensahe na mag-uudyok ng gulo sa UAAP finals.

Sa Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City gaganapin ang Game 2 sa pagitan ng UP Fighting Maroons at Ateneo Blue Eagles. Kapag nanalo ang Ateneo sa kanilang laro ngayon ay ito na ang kampeon.

“Enjoy the moment and set a good example. This is not just a basketball game between 10 players on the court. It is a game between top students in our country, and all students nationwide are watching you,” pahayag ni Eleazar.

Inutos din ni Eleazar na paigtingin ang intelligence operation at presensya ng mga pulisya sa Cubao laban sa mga scalper.

Mariin itong nagbabala na kanilang aarestuhin ang mga magbebenta ng ticket sa mas mataas na halaga o higit pa sa orihinal na presyo nito dahil kawawa naman anya ang mga estudyante na nais lamang makapanood ng laro at mag-cheer sa koponan ng kanilang eskuwelahan.