Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mangingisda, 1 pa kalaboso sa ‘bato’

0 197

Arestado ang isang mangingisda, na umano’y miyembro ng gun-for-hire group at drug syndicate, kasama ang kaibigan nito makaraang matiyempuhan ng mga nagpapatrolyang pulis habang nag-aabutan ng iligal na droga sa Navotas City, kahapon ng hatinggabi.

Kinilala ang nasakoteng mga suspek na sina Michael Alvina, 31, at Marlon Ramirez, 22, pawang mga residente ng Navotas Fishport Complex, Barangay NBBN ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng pulisya, bandang alas-12:20 ng hatinggabi, nagpapatrolya ang mga tauhan ng Maritime Police sa kahabaan ng nasabing complex nang makita nila ang dalawa na tila may iniaabot sa isa’t isa.

Dahil dito, sinita ng mga pulis sina Alvina at Ramirez. Dito nakuha kay Alvina ang dalawang small heated plastic sachet na may lamang shabu na inabot daw sa kanya ni Ramirez.

Binitbit sa presinto ang mga suspek hanggang sa makita sa police record na si Ramirez ay wanted sa batas dahil miyembro umano ito ng ‘Castelo gun for hire at illegal drug group’ na nag-o-operate sa Malabon, Navotas at ilang lungsod sa Metro Manila.

Kinasuhan ang dalawa ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act habang inihahanda pa ang ilang kaso laban kay Ramirez kaugnay sa pagkakasangkot nito sa sindikato. (Orlan Linde)

Leave A Reply

Your email address will not be published.