Abante Tonite Interactive

‘Manila Bay beach’ at payanig sa Pasig River

SPY ON THE JOB

376

Kung mayroon man tayong good news na nangyari nitong nakaraang mga araw mga tsong, isa na rito ang sinasabing paglinis sa Manila Bay at pagbabalik ng mga isda sa Pasig river.

Sa totoo lang naman, kahit ang mga nagdaang mga administrasyon ay nagkaroon din ng mga clean-up drive sa dalawang uri ng katubigang ito. Iyon isa nga lang, hindi naman makikita agad-agad ang resulta. Gaya sa Manila Bay na sadyang mahirap linisin nang bongga at todo dahil sa lawak at mga iba’t ibang lugar na panggagalingan ng mga basurang napupunta rito.

Sabi nga ng ilang opisyal, karaniwang “malinis” ang Manila Bay kapag panahon ng amihan gaya ngayon dahil palabas ang alon. Ibig sabihin, kung may batang eebak sa batuhan ng look na ito, asahan na mapapadpad palayo ng Manila Bay ang ebak. Iyan siguro ang nangyayari sa mga basura ngayon sa tubig.

Pero siyempre, mala­king tulong pa rin ang clean-up drive na ginagawa ngayon dahil nahahakot ang mga natenggang basura. Binomba pa ang mga batuhan para maalis ang mga kumapit na langis at putik, at tila nagkaroon ng buhangin sa ilang bahagi ng dalampasigan.

Ngunit pagdating ng habagat season o panahon ng tag-ulan, malalaman natin kung mababawasan ang mga basurang mapapadpad sa Manila Bay dahil sa panahon ito ay papasok na ang alon. Huwag nating asahan mga tsong na mawawala na ang mga maaanod na tone-toneladang basura pero ipagdasal natin na sana ay mabawasan.

Bago natin malaman kung madami pa ring basura sa Manila Bay sa panahon ng tag-ulan, hayaan natin ang mga kababayan natin na mag-enjoy sa “Manila Bay beach” sa darating na summer season kahit sinasabing hindi pa rin ligtas ang tubig nito para paliguan.

Kung hindi naman mapipigilan ang mga kababayan natin na maligo, maglagay sana ng mga life guard ang mga kinauukulang ahensiya at lokal na pamahalaan para maiwasan ang disgrasya. Wala rin sanang kolokoy na magkakamaling maniningil ng entrance fee at baka gulpi ang abutin niya.

Sabi ng ating kurimaw na hindi maru­nong lumangoy, mala­laman daw kung talagang malinis na ang tubig ng Manila Bay kapag may nakita nang pating na umaali-aligid sa look.

Samantala, sabi pa ng ating kurimaw, malalaman naman daw kung talagang malinis na ang tubig sa Pasig River kapag may nakita na uling buwaya na lumalangoy sa ilog. Sa mga nauna kasing kuwento gaya ng libro ni Jose Rizal, nabanggit nito na may buwaya sa Ilog Pasig.

Dekada 90s nang ideklara na patay na ang Ilog Pasig dahil sa sobrang dumi ng tubig at wala na raw isdang maaaring mabuhay. Bunga raw kasi ito ng mga duming itinatapon sa ilog ng mga pabrika at mga establisimyento sa paligid ng ilog. Idagdag pa ang mga ebak at kung ano-anong pinaghugasan ng mga residenteng nakatira sa gilid ng ilog.

Hiling ng ating kurimaw, magtuloy-tuloy raw sana ang rehabilitasyon ng Manila Bay at Pasig River. Alisin ang mga dapat alisin at obligahin ang mga dapat obligahin na a­yusin ang pagtatapon nila ng waste water at mga dumi. Kapag nga naman gumanda na ang dalawang katubigang ito, ang mga Pinoy din naman ang makikinabang.