Abante Tonite Interactive

Manila City gov’t absuwelto sa ghost barangay issue

0 532

Inabsuwelto ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa isyu ng ghost barangay kasabay ng pagkumpirma na kompleto at hindi nagalaw ang Real Pro­perty Tax (RPT) shares na nakalaan para sa mga ito.

Sa resulta ng imbestigasyon ng DILG-Manila Field Office, lumitaw na ang 27 ghost barangay na binanggit ng Commission on Audit (COA) ay aktu­wal na barangay na may temporary barangay name at code.

Bukod sa Barangay 10 na solido ang pondo, sinabi ng DILG na walang nailabas na pondo para sa umano’y mga ghost barangay dahil ang pondo para sa 26 pang barangay ay nakadeposito sa City’s Fund Trust account.

Mayroon aniyang 896 barangay ang siyudad bagama’t ang mga barangay na numerical number ay walang opisyal na numero na kumakatawan sa sinasabing barangay.

Binanggit ng DILG na ang opisyal na barangay number ay mula barangay 1 hanggang barangay 905, kasama na ang mga nabuwag na may sub-A markings.

Samantala, ikinatuwa ni Mayor Joseph Estrada ang resulta ng imbestigasyon ng DILG sa ghost barangay issue ng lungsod.

Sinabi ni Ma­yor Erap na maa­yos ang fiscal management ng lungsod kaya nabayaran ang lahat ng pagkakautang ng nakaraang administra­syon at patuloy na nakapagsusulong ng mga programa para sa benepisyo ng mga mamamayan ng lungsod.