Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Manila COVID-19 field hospital, pampito sa lungsod

0 220

Sa awa ng Panginoon, kami sa lungsod ng Maynila ay umaasa na magkaroon ng bagong ospital na magiging ‘exclusive’ para sa mga COVID-19 patients na may mild to moderate symptoms, dalawang buwan mula ngayon.

Kami ni Vice Mayor Honey Lacuna ay gumugol ng 72 oras para sa ‘brainstorming’ kasama ang mga pinuno ng tanggapan, departmamento at bureau ng lungsod pati na ang mga Philippine General Hospital authorities at nagpasya na ituloy ang aming plano na paluwagin ang anim na ospital na pinatatakbo ng lungsod, sa pamamagitan ng pagtatayo ng nasabing bagong ospital.

Kapag ito ay tapos na, ang COVID bed allocations sa anim na city-run hospitals ay gagamitin naman para lamang sa mga pasyente na may ‘severe and critical conditions.’ Ang nasabing COVID beds ay gagawing mga intensive care units (ICUs) na lubhang kailangan sa ngayon.

Ang ikapitong ospital sa Maynila ay tatawaging “Manila COVID-19 Field Hospital” at ito ay itatayo sa 2.6-hectare lot gamit ang mga containers. Magkakaroon din ito ng kabuuang 336 COVID beds na gagamitin ng mga pasyenteng may ‘mild and moderate cases.’

Ookupahin ng naturang ospital ang Burnham Green area na katapat lamang ng Quirino Grandstand at nasa harapan ng Independence Road na nagsisilbing parade grounds kapag may mga national events. Matatagpuan ito malapit lamang sa drive-thru center na inilagay doon ng Maynila para magsagwa ng libreng swab testing para sa mga motorista. Kada araw ay hindi bumababa sa 100 ang nagpapa-swab sa naturang center.

Maghapon at magdamag, o 24/7 ang magiging trabaho ngayon nina City Engineer Armand Andres, city architect Pepito Balmoris at iba pang concerned city personnel dahil mahalaga ang bawat araw na nagdaraan.

Nakalulungkot na batay sa mga nakakarating na ulat sa inyong lingkod, may mga pasyenteng namamatay na lamang sa mga tent o kaya ay sa mga parking lot habang naghihintay na ma-accommodate sa ospital. ‘Yan ay bunga ng sobrang siksikan sa mga ospital sa gitna ng pagsirit ng kaso ng coronavirus nitong mga nakaraang araw.

At habang nagaganap ang lahat ng ito, kami sa Maynila ay patuloy sa pagpupulong upang maghanda ng mga hakbang para matugunan ang naiulat na posibleng pagtaas na naman ng mga kaso ng coronavirus cases sa mga darating na buwan.

Sa ilalim ng plano, habang ang mga asymptomatic na pasyente ay ilalagak sa quarantine facilities ng lungsod, ang mga may mild at moderate symptoms ay sa field hospital naman mananatili, nang sa gayon, ang mga ospital ng lungsod ay maari nang makapag-concentrate sa mga COVID patients na nasa severe at critical condition.

Hindi ako mahihiyang aminin na aking kinopya ang ideya sa kaparehong ginawa sa bansang Italy. Ginawang ‘open source’ ng arkitekto ang konsepto upang ito ay maaring gayahin ng iba.

Ang aming Manila COVID-19 Field Hospital ay magiging kumpleto sa lahat ng kinakailangang pasilidad kasama na ang mga ambulansiya, wastong equipments at medical frontliners, dahil hindi maikakaila na ang mga may moderate symptoms ay maari pa ring maging severe.

Kailangan ang paghahanda para sa mga maaring maganap limang buwan mula ngayon o maging hanggang sa Disyembre. Kung hindi matuloy ang prediksyon ng ilan na magkakaroon ulit ng pagtaaas ng kaso ng COVID sa Hunyo o Hulyo, mabuti. Sa kabilang banda, kailangan din ang paghahanda para sa anumang kaganapan.

Gaya ng dati, ang mga serbisyo sa paparating na COVID hospital ay magiging libre maging sa mga hindi taga-Maynila.

Kagaya ng parati kong sinasabi, ang coronavirus ay isang ‘universal problem’ na dapat lapatan ng ‘inclusive’ na solusyon.

Ginagawa ng pamahalaang-lungsod ang lahat sa abot ng makakaya, upang maakap ang mas maraming tao kasama na ang mga hindi taga-Maynila, upang mapaluwag ang mga ospital.

Ikinalulugod naming makatulong sa lahat ng nangangailagan kaysa naman ‘yung mga di taga-Maynila na nagtutungo din sa aming lungsod sa kanilang araw-araw na gawain ay patuloy na paikot-ikot habang may impeksyon. Ito ang dahilan kung bakit kami ay nagbibigay ng libreng swab tests.

Habang isinusulat ito, ako at si Vice Mayor Honey Lacuna at lahat ng aming opisyal ay patuloy sa pagtalakay ng lahat ng anggulo ukol sa aming COVID hospital. Talaga namang ito ay isang napakalaking hamon dahil di ito kagaya ng quarantine facilities na ang tanging kailangan ay airconditioning units, wifi at pagkain.

Sa kabila niyan, layunin naming maitayo ang nasabing ikapitong ospital sa lungsod sa loob ng 60 araw. Kung nagawa ito sa Italy, kaya din nating mga Pilipino.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.