Abante Tonite Interactive

‘Manila’ sound sa SEAG pakana ng PR man ni Alan

760

Kinuwestyon ng presidential daughter na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio kung bakit ang ­awiting ‘Manila’ na pinasikat noong 70s ng ­bandang Hotdog ang pinatugtog sa opening ­ceremony ng 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Punto ng alkalde, hindi kumakatawan sa buong Pilipinas ang nasabing kanta.
Nabatid na may koneksyon pala kay House ­Speaker Alan Peter Cayetano ang pagkakapili sa ‘Manila’ bilang main them sa grand entrance ng mga atletang Pilipino sa opening ceremony ng SEAG.

Batay sa nakalap na impormasyon, si ­Bases ­Conversion Development Authority (BCDA) ­chairman Gregorio Garcia III diumano ang ­nag-lobby sa mga top honcho ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) na ­pinamumunuan ni Cayetano para gamitin ang iconic multi-platinum single ng Hotdog bilang entrance music ng mga ­atletang Pilipino.

Ang awiting ‘Manila’ ay sinulat ng mga kapatid ni Garcia na sina Dennis Garcia at Rene Garcia.

Nabatid na ginawa ito ng magkapatid na Garcia para sa milyon-milyong overseas Filipino worker (OFW) na naho-homesick sa kanilang mga pamilya habang nasa ibang bansa.

Bago itinalaga sa BCDA, si Garcia ay nagsilbing PR consultant ni Cayetano noong senador pa ito. Kilala rin ito sa local PR at advertising industry, ­matapos magsilbing chairman at chief creative officer ng Leo Burnett Advertising sa loob ng 20 taon.

Nalaman din mula sa ilang insider sa Malacañang na bukod sa kanyang puwesto sa BCDA, si Garcia rin umano ang humahawak sa PR at marketing ­operation ng SEAG.

Nabatid na may P525 milyon ang pondong inilaan para sa marketing at PR expenses ng SEAG batay sa Senate Journal No. 41 kung saan nakalista ang breakdown ng panukalang budget para sa SEA Games sa ilalim ng 2019 General Appropriations Act.