Abante Tonite Interactive

Manila Water naglagay pa ng karagdagang ‘line boosters’

283

Sa pagpupursige nitong maibalik sa 24/7 ang supply ng tubig sa gitna na kakulangan ng raw water supply, nakapaglagay na ang Manila Water ng hanggang 64 na ‘line boosters’ sa kabuuan ng East Zone.

Inaasahang makapagdulot ito ng mas mahaba pang oras ng pagkakaroon ng tubig sa may 98% nang mga kostu­mer ng Manila Water na kasalukuyan nang nakararanas ng higi­t sa walong oras na supply ng tubig hanggang sa unang palapag. Ang mga ‘line boosters’ na ito ay isa lamang sa mga ‘technical solutions’ upang maihatid ang supply ng tubig maging sa mga mas matataas at malalayong mga komunidad na kanilang nasasakupan.

Ang line booster ay isang uri ng bomba na inilalagay mismo sa linya ng tubig upang mapalakas ang ‘pressure’ at maihatid ang tubig sa mga lugar kung saan nahihirapang umabot ang tubig.

Sa kasaluku­yan, nakapaglagay na ng hanggang 26 na line boosters sa Quezon City, siyam sa Taguig City, at lima sa Mandaluyong City. Sa lalawigan naman ng Rizal, mayroon nang 14 na line boos­ters sa Rodriguez, tig-tatlo sa San Mateo at Antipolo City, dalawa sa Binangonan, at tig-isa sa Taytay at Angono.

May mga karagdagan pang ilalagay na line booster sa ilan pang bahagi ng Quezon City at Rizal sa mga susunod na linggo.

Kahit na naibaba na ang antas ng kakula­ngan ng suplay o ‘supply deficit’ sa 43 million liters per day (MLD) mula sa 150 MLD, makakamit lamang ang 24/7 na serbisyo kung makakakuha ng 50 MLD mula sa Cardona Water Treatment Plant, 50 MLD mula sa mga deepwell at 50 MLD mula sa mga cross border flow.