Abante Tonite Interactive

Manindigan para sa magsasaka

0 214

Sulat kay Editor

Dear Abante Tonite,

Idinudulog ko sa publiko ang napakahirap at kaawa-awang sitwasyon ng mga magsasakang Pilipino dahil sa Rice Tariffication law na ipinapatupad sa bansa.

Nakakahabag ang mga magsasaka dahil sa halos pitong piso na lamang ang bawat kilo ng palay. At kung iisipin nating mabuti kapag binibili sa karinderya ang isang cup ng kanin ay doble ang presyo nito o kinse pesos at kapag minalas ka naman ay 30 pesos sa mga resto at fast food chains.

Kapag naiisip ko ang sitwasyong ito ng mga nagpapakahirap para mapakain ang bawat isa sa atin ay `di ko napipigilang maluha dahil napakasaklap na silang nagpapakain sa atin ang walang makain dahil sa mga mapagsamantala. Dahil sa mga taong makasarili at ganid na hindi iniisip ang ikabubuhay ng mga ordinaryong magsasaka na kapos sa buhay.

At lalo’t higit sa rice tariffication. Bakit kailangan pang umangkat ng bigas kung sasapat naman ang suplay dito sa ating bansa? Bakit kailangang mapilitan ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang lupa sa mga taong mapagsamantala? Bakit kailangang gipitin ng mga mayayamang negosyante ang mga magsasaka?

Sana naman ay may totoong pakialam ang gobyerno sa mga simpleng magsasaka at sa kanilang pamilya. Sana bukod sa mga loan at fertilizer na ibibigay sa kanila mayroon din sanang maganda at tamang mekanismo ng pagtulong sa kanila.

Regine Mamagat-Agapay