Abante Tonite Interactive

Mano-mano sa 2019 elections

562

Sa gitna ng mainit na panahon, nag-uumpisa na rin na muling mag-alab ang mundo ng politika.

Bagama’t mahigit isang taon pa bago ang May 2019 midterm elections, ramdam na ang pagporma ng iba’t ibang politiko na nagnanais masungkit ang puwesto sa Mataas­ na Kapulungan ng ­Kongreso.

Huwag na rin natin ikagulat ang mu­ling pagsulpot ng iba’t ibang survey na nagsisilbing mind conditioning sa mga botante gayundin ang iba’t iba pang pakulo ng mga kandidato.

Sadyang napakabilis ng panahon, parang kailan lang ang 2016 Presidential elections, heto at naghahanda na naman ang lahat para sa panibagong halalan.

Dalawang taon ang nakalipas buhat noong huling halalan pero hanggang ngayon, ang mga isyu ng iregularidad ay hindi pa rin matapos-tapos.

Hindi nakakatuwa ang mga isiniwalat na umano’y mga iregularidad sa nakalipas na halalan partikular ang laman ng privilege speech ni Senate Majo­rity Leader Vicente ‘Tito’ Sotto III na pa­wang nakaturo sa kuwestiyon sa kredibilidad ng sistema ng Smartmatic.

Idagdag pa rito ang nauna na ring isiniwalat ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na may mga hawak siyang dokumento hinggil sa discrepancy sa resulta ng halalan.

Hanggang ngayon, ang mga bagay na ito ay hindi pa rin naipapaliwanag at hindi pa nabibigyang kasagutan ng Commission on Elections (Comelec) o lalo na ng Smartmatic.

Ang dapat kasi sanang imbestigasyon sa Senado ay ipinagpaliban dahil abala pa ngayon ang poll body sa barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Kung atin namang matatandaan, hindi naman ito ang unang pagkakataon na nakuwestiyon ang kredibilidad ng Smartmatic.

Kung patuloy ang pagdududa sa sistemang ipinatutupad sa ating automated polls, baka naman kaila­ngan na ring pag-isipan ng ating gobyerno na kumuha ng ibang provider upang hindi na nagugulo ang mga resulta ng ating halalan.

At kung wala namang ibang paraan, sabi ng ating mga nakausap na ordinaryong mamamayan, pangit man daw tingnan at para tayong paurong, mukhang mas maganda pang gawin na lamang natin mu­ling mano-mano ang halalan.