Abante Tonite Interactive

Manoling, mister ni Dawn binuweltahan ni Joy

358

Nadamay sa isinampang kasong libelo ni Vice Mayor Joy Belmonte laban sa isang tabloid ang mister ng aktres na si Dawn Zulueta.

Sa isinampang kaso ni Belmonte nitong Lunes, Pebrero 18, idinawit nito si Antonio Lagdameo Jr., chairman of the board ng pahayagang Saksi Ngayon, dahil sa lumabas na artikulo noong Pebrero 15, kung saan siya inakusahan na nagpasa ng resolusyon na papabor umano sa tatlo niyang kapatid.

Ayon kay Belmonte, fake news ang ginawa ng Saksi Ngayon dahil bilang Bise Alkalde, wala siyang kapangyarihan na magpasa ng resolus­yon nang mag-isa, dahil ito ay gawain ng buong konseho ng Quezon City. Dagdag pa niya, hindi siya ang presiding officer nang maipasa ang nasabing resolusyon, kung saan hindi rin makikita ang kanyang pirma.

Ayon kay Belmonte, napagpasyahan niyang magpasa ng kaso laban sa tabloid at kay Morato dahil marapat labanan ang mga nagpapakalat ng “fake news.” Dagdag pa ng Bise Alkalde, nakakadismaya na ginawa ito para lamang sa pera at politika.

Bukod kina Lagdameo at dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) chairman Manuel ‘Manoling’ Morato, kasama sa mga kinasuhan ang president at publisher ng tabloid na si Victor Rodriguez, ang reporter na si Joel Amongo, at pito pang kasapi ng publikasyon.

Ani Belmonte, malisyoso ang nasabing ulat, at wala pang basehan, dahil hindi pa binibigyan ng timbang ng Office of the Ombudsman ang ­inihaing reklamo laban sa kanya tungkol sa bagay na ito.

Si Lagdameo ay da­ting kinatawan ng ikatlong distrito ng Davao del Norte at apo ng binansagang ‘banana king’ ng Davao na si Antonio Floirendo Sr., isa sa sinasabing Marcos crony.