Abante Tonite Interactive

Manong, paano po kayo naging Pari?

By
1,191

Puno ng tao ‘yung simbahan nu’ng duma­ting ako. Kaya umupo na lang ako sa gawing kanan sa bandang likuran. Pinapalaki kasi, kaya pansamantala, du’n muna nagmisa sa likod ng chapel… kaya maliit.

Tiningnan ko ‘yung nagsasalita sa harap. Iba ata ang pari. ‘Di ko kilala. Nu’ng sagawain ang homilya, napakinig ako sa sermon dahil medyo kakaiba ang pagpapakilala niya sa sarili niya. Dati pala, may asawa siya. Tapos nagkaroon sila ng tatlong anak. Masaya naman ang buhay hanggang sa… Isang araw, nagkaroon ng malubhang sakit ang asawa niya.

Pinagamot niya pero parang hindi naman gumaling. Sa mga hu­ling sandali ng buhay nito, binulungan daw niya: “Sorry kung hindi ko naibigay sa iyo ang lahat ng karangyaan sa mundo.” May halong pagsisisi ang bitaw niya.

Dumilat ‘yung asawa niya na noon man ay nakapikit, tinanggal ang mga nakasaksak na tubo at nagsalita: “Mangako ka lang na magpapari ka ‘pag namatay ako, ‘yun na ang karangyaang tunay na ibibigay mo sa akin.”

Hindi raw siya nakapagsalita at ‘di rin siya nangako. Dahil hindi naman siya sigurado kung kaya niya iyun. At baka naman ayaw lang ng asawa niyang mag-asawa siya uli.

Flashback bigla ang kuwento niya… 11 years old pa lang daw siya, na-dedicate na siya ng magulang niya para magpari. Du’n siya tumira sa seminaryo hanggang sa edad na 19.

Pagtuntong sa ganu’ng edad, pinalabas muna siya. Eto ay para malaman niya kung talagang pagpapari ang gusto niya sa buhay mo.
Sa paglabas niya, madami siyang nakila­lang ibang mga tao. At iyun, naisip niya, gusto pala niyang magkapamilya at hindi siya laan na magpari.

Namatay na ‘yung asawa niya. Tapos parang makaraan ang ilang panahon, naramdaman niya ‘yung tawag… gusto niyang bumalik sa seminaryo, at ituloy na ang plano niyang magpari… kahit may edad na siya… kahit may pamilya na siya. Kahit tatlo na ang anak niya.

At noong nakaraang taon, siya nga ay naordinahan bilang isang ganap na pari sa Antipolo.

Ang tadhana, mapag­laro. Ibabalik at ibabalik ka sa buhay na itinakda para sa iyo. Kontrahin man iyan ng iyong pagpili, tatapat sa iyo kung ano ang nakaplano sa buhay mo.

Mapapaisip ka tuloy. Libreng mangarap at gagawin mo ang lahat para matupad iyon. Pero sa bandang huli, ang kaganapan noon, makuha mo man siya ay nakadepende pa rin sa kung ano ba talaga ang naghihintay at nakalaan para sa iyo.
I call it destiny.