Abante Tonite Interactive

Manual audit sa resulta ng botohan simula Mayo 15

311

Napili na ng Commission on Elections (Comelec) at mga partner nito ang 715 clustered precinct na pagdarausan ng random manual audit­ (RMA) simula sa Mayo 15 para sa idinaos na midterm elections nitong Lunes.

Ito’y matapos ang isinagawang electronic draw ng mga clustered precinct na pinamunuan ng Comelec kasama ang mga partner nitong Phi­lippine Statistics Authority (PSA) at election watchdog na Legal Network for Truthful Elections (LENTE).

Ang RMA ay proseso na nasasaad sa ating batas upang masi­guro ang kahusayan­ ng mga vote countin­g machine­ (VCM) kung saan ay magiging­ random o walang makakaalam sa mapipiling cluster kundi ang Comelec.

Inaasahan namang matatapos ang nasabing proseso sa loob ng da­lawang linggo.
Sa RMA, ang bawat balota ay mano-manong bibilangin ng mga Board of Election Inspectors (BEI) para malaman kung tama ang automated count ng VCM batay sa manual verification ng naturang pagbibilang.

Ang LENTE ang lead convenor ng RMA matapos bumitaw ang Nationa­l Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel) dahil sa limitadong access sa data at information ng idinaos na halalan.

“We have 715 samples of clustered precincts. It was the same number we used in 2016. Previously, the idea is to have three samples per legislative district, but what happened was instead of having uniform number of samples for each district, what we did was to proportionally undertake the sample,” ayon kay Comelec Commissioner Luie Guia.

Kung ang isang distrito ay mayroong mas maraming clustered precinct, makakakuha umano ito ng mas maraming sample kumpara sa distritong may kaunti lang na clustered precinct.

Mayroon aniyang isa hanggang anim na sample precinct sa bawat legislative district. Mayroon namang 243 legislative districts sa buong bansa. (Mia Billones)