Abante Tonite Interactive

Manuel hindi naigapos ng Magnolia

By
1,038

Kahit ano’ng ibato ng Magnolia kay Vic Manuel, kinalamay lang ng 6-foot-4 Alaska forward. Kahit ang mainit na kamay ni Paul Lee, o ang mahabang galamay ni Rafi Reavis, hindi napigil ang Novo Ecijano.

At nagiging bisyo na ng 30-anyos na si Manuel ang pagbura sa kanyang personal-highs ngayong PBA Commissioner’s Cup, naglista ng 35 points para ihatid ang Aces sa 103-99 panalo kontra Hotshots Linggo ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Angat sa 6-1 ang Alaska, kabuhol sa No. 2 ang Rain or Shine sa likod ng TNT KaTropa (7-1).

Apat na beses na niyang binabalasa ang kanyang career-best, huli noong May 13 nang magsalansan ng 29 kontra Texters sa Antipolo.

Sa harap ng matinding depensa ni Reavis, umiskor si Manuel ng 17 sa fourth para igapang ang panalo at salagin ang mainit ding shooting ni Lee. May pagkakataon na pati si import Justin Johnson ay ibinato na rin ni coach Chito Victolero, pero hindi naawat si Manuel.

“He went off, and I think Rafi is one of the premier post defenders,” bulalas ni Aces coach Alex Compton sa kanyang kamador. “It was like everybody knows. I was not saying ‘Hey run this play, run this action, give the ball to Vic.’ It’s just like guys get the ball and (ask) ‘Where’s Vic’ and they will give him the ball and he will score. Pretty phenomenal.”

Si Manuel, aminado na malaking bagay sa kanyang tumitikas na laro ang gabay ni two-time MVP Danny Ildefonso na isa ring alamat na big man ng liga.