Abante Tonite Interactive

Manuel itatapat kay Travis

By
242

Hindi na nasorpresa si Vic Manuel nang umiskor si Romeo Travis ng 50 points sa series-clinching Game 4 win ng Magnolia kontra Ginebra sa semifinals ng PBA Governors Cup.

“Kayang-kaya niyang gawin ‘yun,” ani Manuel.

Kabisado ni Manuel ang kalibre ni Travis, nakasama niya dati sa Alaska nang mag-martsa ang Aces hanggang finals ng parehong torneo noong 2015 pero minalas na winalis ng San Miguel Beer sa apat na laro.

Makalipas ang tatlong taon, magsasalubong ulit ang dalawa pero sa magkabilang bench na. Nanatili si Manuel sa team at siya na ang Muscle Man ng Aces, bitbit naman ni Travis ang Pambansang Manok Hotshots.

Hindi na magtataka si Manuel na isa siya sa itotoka ni coach Alex Compton para pumigil kay Travis sa best-of-seven series na sisiklab sa Dec. 5 sa MOA Arena.

“Hirap kalaban ni Romeo,” pagbubunyag ni Manuel. “Kaya ko nga siya tinawag dati nung teammates pa kami na Mr. Basic – ‘yung basketball sobrang basic sa kanya. Sobrang talino maglaro.”

Ito raw ang dahilan kaya Best Import noon si Travis sa unang sampa sa PBA.

Sa mga bigs ng Aces, problema si Travis. Pero handang makipagbalyahan ni Manuel.

“Ready ako,” giit ng 31-anyos na forward. “Sanay naman ako na bantayan siya, pero ang hirap depensahan.”