Abante Tonite Interactive

Manuel kayod lang maski itatapon na

0 176

‘Di nagpaapekto sa kumakalat na trade ­rumors si Vic Manuel, tuloy lang ang kayod niya sa Alaska.

Nambarako ang 32-anyos na forward ng 23 points at 10 rebounds para itulak ang Aces sa 106-99 win laban sa NorthPort nitong Linggo.

Kinolekta ng Alaska ang pangatlong panalo sa siyam na laro – pangatlo rin sa huling apat – para paypayan ang tsansang humabol sa playoffs ng PBA Governors Cup.

Unang back-to-back wins din ‘yun ng Aces sa ilalim ni coach Jeff Ca­riaso na pumalit kay Alex Compton nitong August.

Maangas sa magkabilang dulo ng court ang 6-foot-4 forward mula Nueva Ecija, siya rin ang umangkla sa depensa kay Christian Standhardinger.

Sa sipag na pinakita, ginawad kay Manuel ang PBA Press ­Corps-Cignal Player of the Week award sa Oktubre 28-­Nobyembre 3.

Naungusan niya ang kakamping si Abu ­Tratter na nagsumite ng 17 points, 9 rebounds kontra Batang Pier. (VE)