Abante Tonite Interactive

Manyakis na kawatan bagsak sa kamay ni PO3 Juvy Jumuad

655

Inilabas ng QCPD ang pahayag, hindi upang bigyang babala ang mga tinu-TUGIS na salarin, kundi upang pawiin ang pangamba sa maraming kababaihang nagta-trabaho sa maliliit na establisimiento na karaniwang tinarget ng mga salarin.

Ang sunod-sunod na insidente ng panghohol­dap at panggagahasa sa mga kawani ng mga pinapasok na establisim­yento ang isa sa dahilan kung bakit umugong ang panawagan sa pamahalaan na muling ibalik ang parusang kamatayan.

Kabi-kabila ang ingay na nilikha ng mga pana­wagan bagama’t marami rin ang tumututol dito sa pangunguna na ng Commission on Human Rights at ng Simbahang Katolika na patuloy sa pagtuturo ng kahalagahan ng buhay.

Noong Pebrero 12, 2015, nakatanggap ng impormasyon ang Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) na namataan ang lalaking tumutugma sa inilabas na carthographic sketch ng pulisya na responsable sa serye ng panghoholdap at panggagahasa, malapit sa isang mall sa Commonwealth Avenue, Quezon City.

Kaagad na nakipag-ugnayan si Chief Insp. Marcelo sa District Intelligence Division (DID), District Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (DAID-SOTG), District Special Operations Unit (DSOU) at Quezon City Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang isagawa ang pag-TUGIS sa suspek.

Dakong alas-10:30 nang umaga nang ikasa ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan ang ope­rasyon hanggang sa mamataan ang suspek sa harapan ng Ever Gotesco Mall sa Commonwealth Avenue, na ayon na rin sa pulisya ay nagbabalak na muling magsagawa ng panghoholdap sa isa sa mga establisimyento sa naturang lugar.

Hindi na nakapalag ang suspek na nakilalang si Mark Soque, 29, residente ng 1687 Riverside Extension, Brgy. Commonwealth nang pagsalikupan siya ng mga pulis bagama’t wala naman sa paligid ang kanyang kasama na nagsisilbi laging look-out sa isinasagawang panghoholdap at pagnanakaw.

Nang kapkapan, nakuha kay Soque ang isang kalibre .45 pistola, isang live hand grenade at ilang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu. Nakuha rin sa suspek ang isang kulay pulang Yamaha na motorsiklo na kanyang ginagamit sa pagtakas sa tuwing magsasagawa ng panghoholdap.

Bago dalhin sa headquarters ng QCPD si Soque, pinuntahan muna ng kapulisan ang kanyang mga naging biktima, kabilang na ang mga kawani ng Beanleaf Coffe House na pag-aari ng pinaslang na Koreana, pati na ang mga kawani ng VM Design, kasama ang babaeng kanyang hinalay at binantaang babalikan.

Nang magtungo sa headquarters ng QCPD si Mayor Herbert Bautista, hindi niya napigilan ang sarili na masapak at matadyakan ang suspek habang ganito rin ang ginawa ng mga naging biktima matapos na positibo nilang kilalanin si Soque na may kagagawan ng panghoholdap at panggagahasa.