Abante Tonite Interactive

Manyakis na kawatan bagsak sa kamay ni PO3 Juvy Jumuad

By
738

Hindi rin maalis sa isipan ng babaeng biktima ang sinabi sa kanya ng suspek na muli siyang babalikan upang ipalasap na muli sa kanya ang makamundong hangarin, bago tumakas, ta­ngay ang mga nakumlimbat sa salapi at personal nilang gamit.

Apat na araw lang ang pinalipas ng kilabot na suspek nang muli tinarget ang isang restaurant sa 73-D Commonwealth Avenue, Quezon City, kasama ang isa pang nagsisilbing lookout, dakong ala-1:30 nang hapon na tulad ng mga naunang mga nabiktimang establisimyento ay wala ring nakatalagang security guard.

Tulad ng nakagawian, tinutukan ng baril ng suspek ang mga kawani ng Hoy Panga Restaurant, sinamsam ang lahat ng salapi sa kaha bago isa-isang kinuha ang personal na gamit ng mga kawani na halos ay kababaihan at inatasang pumasok sa loob ng banyo at hubarin ang kanilang kasuotan.

Nang matiyak na wala na ang mga kawatan, isinuot na ng mga kawani ang kani-kanilang damit at lakas-loob na lumabas ng banyo upang humingi ng kaukulang tulong sa pulisya.

Sa panig naman ng kapulisan, binuo ni QCPD Director Chief Supt. Joel Pagdilao ang Special Investigation Task Group (SITG) na tututok at magsasagawa ng pag-TUGIS sa dalawang kawatan na responsable sa sunod-sunod na nakawan at pagmomolestiya pa sa mga babaeng biktima.

Itinalaga ni Gen. Pagdilao bilang pinuno ng binuong task group si Senior Supt. Danilo Bautista, ang Deputy District Director for Operation ng QCPD habang Assistant Task Group Commander naman si Chief Insp. Rodel Marcelo, ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).

Magkatuwang ang dalawa sa pagbalangkas ng mga hakbang para sa agarang pagdakip sa mga suspek, kabilang na rito ang pakikipag-ugnayan sa iba pang police units ng QCPD at pamamahagi ng carthographic sketch ng suspek na humahalay pa sa kanilang nabibiktima para sa agara niyang ikadarakip.

Ilang araw ding nanahimik at hindi nagsagawa ng kanilang mapangahas na panghoholdap ang dalawang suspek subalit eksaktong isang linggo matapos pasukin at pagnakawan ang Hoy Panga Restaurant, sumalakay na muli ang dalawa at pinasok naman ang Beanleaf Coffee House sa 16 Don Antonio Drive, Brgy. Holy Spirit, Quezon City noong February 9, 2015 na pag-aari ng isang negosyanteng Koreana.

Mag-isang pinasok ng suspek na armado ng baril ang naturang tea house na pag-aari ng isang Koreana dakong alas-1:35 nang hapon araw nang Lunes habang nasa labas lang ng establisimyento ang kanyang kasabwat na nagsilbing lookout.

Habang sinasamsam ng suspek ang mga personal na gamit ng mga kawaning biktima, duma­ting naman ang may-ari ng naturang tea house na si Mi Kyung Park, 40 at kaswal na pumasok sa loob ng pag-aari niyang establisimyento na hindi alam na may nagaganap na insidente ng panghoholdap sa loob.