Abante Tonite Interactive

Manyakis na Xavier University prof sinuspinde ng SC

0 357

Kinastigo ng Supreme Court (SC) ang isang law professor na sinampahan ng reklamo noong 2002 dahil sa sexual harassment sa kanyang mga estudyante sa Xavier University sa Cagayan de Oro City.

Batay sa 11 na pahinang resolusyon ng SC na may petsang Abril 10 pero noong Martes lang inilabas sa media, sinuspinde ng SC si Atty. Cresencio P. Co Untian Jr. sa pagi­ging abogado sa loob ng limang taon at 10 taon naman sa pagtuturo ng batas sa anumang paaralan.

Nagbabala rin ang SC ng mas mabigat na parusa laban kay Untian kapag naulit ang reklamo laban sa kanya.

Tatlong law student ang naghain ng reklamo laban kay Untian na inakusahan ng sexua­l harassment.

Ang isang nagreklamo ay pinapadalhan umano ng bulaklak at mga romantic text message ni Untian. Ang isa pa ay pinakitaan umano ni Untian ng lara­wan ng hubad na babae na kamukha niya at biniro pa siya sa harap ng iba pang estudyan­te. Habang ang pangatlong estudyante ay nakaranas umano ng mga sexual joke mula kay Untian sa tuwing may class recitation.

Sa kanyang depensa, sinabi ni Untian na nagrereklamo lamang ang tatlong estudyante dahil bumagsak ito sa kanyang mga klase noong 2001-2002.

Sinabi rin nito na friendly message lang ang kanyang mga mensahe at wala itong ma­lisya. Nagbibiro rin lang umano siya para mapatawa ang kanyang klase.

Gayunman, binigyang-diin ng SC na bilang officer of the court, ang mga abogado ay dapat na mayroong good moral cha­racter at mamuhay na ayon sa pinakamataas na moral standard ng komunidad.

Pinaalala rin ng SC ang ethical standard ng legal profession at ang kanyang responsi­bilidad bilang isang professor. (PNA)