Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mapanghahawakan ang aking mga salita

0 163

Nang tumakbo ako bilang alkalde noong 2019, may mga ipinangako ako sa mga mamamayan ng Maynila.

Hindi sa pagbubuhat ng sariling bangko subalit sa tulong na din ng aking mga kasamahan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila, natupad ko lahat ng aking mga ipinangako bago mag-eleksyon at nadagdagan pa. Hindi ito basta salita dahil sinuman ay maaring tignan sa Google kung totoo ang aking sinasabi.

Ngayong ako ay tumatakbo bilang Pangulo ng bansa sa ilalim ng Aksyon Demokratiko Party, ako ay muling nangangako.

Sa pagkakataong ito, plano kong magpatupad ng malakihang bawas sa buwis ng fuel at electricity, 50 percent, sa unang taon pa lamang ng aking panunungkulan, sa awa ng Diyos.

Simple lang. Suriin ang inyong electric bill. Makikita ninyo doon ang isang bahagi na ‘government taxes’ at katapat ay presyo na kailangang bayaran buwan-buwan ng bawat consumer.

Sa kasalukuyang sitwasyong pang-ekonomiya ng mga Pilipino, anumang bawas sa buwis ng kuryente ay malaking tulong at anumang matitipid ng mamamayan mula dito ay maaring ituring na direktang tulong mula sa national government.

Ako ay umaasa na sa ating paghati ng buwis sa kuryente, ang mga kompanya at manufacturers ay hindi na magsasara at ang mga kawani ay patuloy na magkakaroon ng trabaho.

Sa kaso naman ng mga petroleum products, hindi ko maaring ipangakong ibaba ang presyo ng mga ito dahil hindi na ito sakop ng kapangyarihan ng gobyerno at magiging boladas lamang ito. Dahil ang tanging maaring kontrolin ng pamahalaan ay ang buwis, dito tayo papasok. Sa pamamagitan ng pagpapababa ng buwis mga produktong petrolyo, ang halaga ng mga pangunahing pangangailangan at iba pang kaugnay na produkto ay ay inaasahang bababa rin. Kapag mataas ang presyo ng petrolyo, mataas ang pamasahe at gayunding ang presyo ng mga pagkain at maging ng kuryente.

Ang walang-tigil na pagtaas ng presyo ng gasoline, diesel at kerosene ang siyang dahilan kung bakit ang mga transport groups, drivers at operators ng mga public utility vehicles ay patuloy na nagde-demand ng taas-pasahe. Alam ko na ang aking balaking bawas-buwis ay mangangahulugan ng malaking kawalan s akita ng gobyerno. Sa katunayan, may ilang taga-pamahalaan ang nagbabala na aabutin ng P131.4 bilyon ang mawawalang kita ng gobyerno kapag itinuloy ko ang aking plano. Gayunman, naniniwala ako na ang gobyerno ay maari namang magsakripisyo ng kaunti kung mangangahulugan naman ito ng benepisyo para sa mga ordinaryong mamamayan na pinaka-tinamaan nang matindi ng pandemya.

Kung tama ang nasabing pigura, ibig sabihin nito ay P131.4 bilyon ang direktang mapupunta sa tao sa pamamagitan ng natipid nila mula sa binawasang buwis. Nangangahulugan na ang mga tao ay magkakaroon ng mas maraming pera na pupuwede nilang gastusin para sa mga pangunahing pangangailangan at ang ekonomiya naman ay makababangon.

Wala akong nakikitang mali dito lalo pa at ang nakatakdang makinabang ay ang mga ordinaryong Pilipino. Para sa akin, ito ang pinaka-epektibong paraan upang gawing prayoridad ang interes ng mamamayan at panahon na para gawin ito ng gobyerno.

Ako ay naniniwala na hindi trabaho ng gobyerno ang magpayaman at sa halip, ang tungkulin nito ay pag-igihin ang buhay ng mga tao sa anumang posibleng , lalupa’t di mabilang ang dami ng kabuhayang pinabagsak ng pandemya at ang bilang ng Pilipino na patuloy na nagsusumukap makabangon. Tila mananatili pa ang pandemya sa mundo sa mga darating na buwan o taon at ang aking simpleng adhikain, kung palarin na pamunuan ang ating mahal na bansa, ay maitawid muna ang bawat pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng paglikha ng maraming trabaho at oportunidad na kumite. Layunin ko na gayahin sa buong bansa ang mga matagumpay na proyektong aming nailunsad sa Maynila laluna pagdating sa socialized mass housing at education, gayundin ang social amelioration program na nagbibigay ng buwanang allowance para sa mga senior citizens, solo parents, college students at persons with disabilities.

Ang aking mga plano ay nakabatay sa ‘prototypes’ o mga nagawa na sa Maynila. Iniiwasan kong mangako ng mga bagay na masarap pakinggan pero hindi naman posibleng gawin dahil ayokong madismaya ang mga Pilipino. Ayoko ring mawala ang kanilang tiwala at ang aking kredibilidad.

Kaya naman ako ay ingat na ingat sa pagbibitaw ng mga pangako sa simpleng dahilan na sa squatter area kung saan ako ay lumaki, ang aming laway ay naisasanla. Kapag kami ay nagbitaw ng salita, nakasalalay ang aming karangalan.

Para sa akin, ang bawat salita ay panunumpa, mapanghahawakan. ‘Yan ang aking matitiyak sa inyo.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! ***
Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.