Abante Tonite Interactive

Marahas na pamamaslang sa limang miyembro ng isang pamilya

By
163

Maraming mga na­ging suki si Estrella sa pagtitinda ng tubig na karamihan ay kanila ring mga kapitbahay na hindi pa nakakabitan ng linya ng San Jose Water District kaya’t halos kilala na kaagad sila sa kanilang subdivision.

Noong buwan ng Hunyo ng taong 2017, lumuwas mula sa Davao City ang ina ni Estrella na si Aurora o Aling Auring, 58, upang dalawin ang anak at mga apo at upang magbakasyon na rin.

Bagama’t halos bulag na ang mga mata ni Aling Auring, nanabik din sa kanya sina Donny at Ella lalo na’t magiliw at mapagmahal ang kanilang lola habang nagalak din ng lubos si Estrella at Dexter dahil makakapiling nila ang matanda.

Abante Hiring – IT dep

Katunayan, nag-plano na ang mag-asawa na bibigyan nila ng sorpresang party si Aling Au­ring sa kanyang kaarawan sa darating na Hul­yo 20, 2017 na kanilang gaganapin sa isang sangay ng Jollibee sa kanilang lugar. Pagkaka­taon na rin ito ng pamilya na mag-bonding ng kasama si Aling Auring na labis na rin namang kinasabikan ng kanyang mga apo.

Subalit ang plano ng mag-asawang Dexter at Estrella ay hindi na matutupad matapos ang kalunos-lunos na trahedyang dumating sa kanilang buhay bago pa man magdaos ng kaa­rawan si Aling Auring.

Hunyo 27, 2017, pasado alas-otso nang umaga araw ng Martes nang dumating si Dexter sa kanilang tirahan mula sa magdamag na pagdu-duty sa pinaglilingkurang bangko sakay ng kanyang motorsiklo.

Dati-rati, sa tunog pa lamang ng tambutso ng motorsiklo ni Dexter ay nagsisilbi ng senya­les kay Estrella na dumating na ang asawa kaya’t kusa na niyang bubuksan ang gate upang mai-garahe sa loob ang motorsiklo.

Nagtaka si Dexter kung bakit tahimik ang loob ng kanilang bahay at hindi man lamang namalayan ng asawa o isa man sa dalawa niyang anak ang kanyang pagdating kaya’t ipinasiya na lamang niyang katukin ang gate ng bahay.

Nang wala pa ring tumutugon sa kanyang mga katok, malakas na tinawag niya ang asawa upang ipaalam ang kanyang pagdating subalit wala pa ring sumasagot sinuman sa miyembro ng kanyang pamilya.

Nang makaramdam na ng pagka-inip at pa­ngamba, nagpasiya si Dexter na mangunyapit at akyatin ang kanilang bakuran upang siya na mismo ang magbukas ng gate para maipasok sa loob ang kanyang motorsiklo.

Bago buksan ang gate para maipasok ang motorsiklo, ipinasiya muna niyang sumilip sa bintana ng kanilang bahay at dito na parang pinagsakluban ng langit at lupa ang pagkatao ni Dexter nang makita niya ang duguang biye­nan na si Aling Auring na nakahandusay sa sahig at wala na ang saplot na pang-ibaba.

Kaagad na tumawag si Dexter sa himpilan ng pulisya upang humingi ng saklolo sa takot na nasa loob pa rin ng kanilang tirahan ang mga salarin.