Abante Tonite Interactive

Marahas na pamamaslang sa limang miyembro ng isang pamilya

Part 3

By
234

Bagama’t labis-labis ang pangamba ni Dexter, ipinasya niyang umikot sa likuran ng kanilang bahay upang doon magdaan papasok habang hinihintay ang pagdating ng mga pulis sa pagnanais na makatulong sa kanyang asawa at mga anak kung sakali at may nakaamba pa ring panganib sa kanilang buhay.

Lalo pang nagimbal si Dexter nang masilayan ang kanyang asawang si Estrella na duguan ding nakahandusay sa baldosa na tadtad ng saksak at wala na ring saplot sa katawan.

Sumagi kaagad sa isipan ni Dexter ang kalagayan ng kanyang tatlong anak kaya’t mabilis siyang umakyat sa ikalawang palapag ng kanilang tirahan patungo sa nakakandado pang pintuan ng silid ng mga bata.

Puwersahang winasak ni Dexter ang lock ng pintuan upang tingnan ang kalagayan ng mga anak at dito siya lalo pang nanlumo nang masila­yan ang duguang bangkay ng mga anak na pa­wang nagtamo rin ng mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.

Nang dumating ang mga tauhan ng San Jose Del Monte police, kaagad nilang kinordon ang lugar upang hindi magalaw ang mga ebidensiya habang hinihintay ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na magpoproseso sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Dumating din kaagad si San Jose Del Monte chief of police Supt. Fritz Macariola upang personal na alamin ang pangyayari at subayba­yan ang isasagawang imbestigasyon ng kanyang mga tauhan.

Sa isinagawang pagsusuri ng SOCO sa mga bangkay ng nasawi, natuklasan na nagtamo ng 42 tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan si Estrella habang 35 mga saksak naman sa katawan ang tinamo ng kanyang inang si Aling Auring.

Ang 11-taong gulang na anak ni Dexter na si Donnie ay may 15 mga tama ng saksak sa katawan habang ang kaisa-isa niyang anak na babae na may edad na 7-taong gulang na si Ella ay may 19 na tama ng saksak. Ang bunsong anak ng mag-asawa na si Dexter Jr. na isang taong gulang pa lamang ay sinaksak ng limang ulit sa katawan ng salarin.

Sa pagtaya ng mga imbestigador, pati na rin ng mga tauhan ng SOCO, isinagawa ang pagpatay sa lahat ng miyembro ng isang pamilya sa pagitan ng alas-tres hanggang alas-kuwatro nang mada­ling-araw noong Hunyo 27, 2017.

Ipinaalam na rin ni Supt. Macariola kina Bulacan acting provincial director Sr. Supt Romeo Caramat, Jr. at Central Luzon Regional Police Director Chief Supt. Aaron Aquino ang mga pangyayari habang masusing nagsasagawa na ng pagsisiyasat ang mga imbestigador.

Kaagad nagsagawa ng panayam ang mga imbestigador sa mga kapitbahay ng mga biktima at inalam nila kung sino-sino ang mga taong madalas na makitang nagtutungo sa bahay ng pamil­ya Carlos upang bumili ng tubig na ibiibenta ni Estrella.