Abante Tonite Interactive

Marahas na pamamaslang sa limang miyembro ng isang pamilya

Part 4

By
254

Malaki ang paniniwala ng mga imbestigador na posibleng may nakasaksi o nakakita man lamang sa mga salarin nang lumabas ang mga ito ng bahay dahil bukod sa hanapbuhay ni Estrella, ginagawa ring maliit na terminal ng mga pampasaherong tricycle ang harapan ng kanilang bahay.

Nang makarating sa kaalaman ni San Jose Del Monte Mayor Arthur Robes ang malagim na pangyayari sa pamil­ya Carlos, kaagad na nag-alok ng pabuyang P100,000 ang alkalde sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon para sa ikadarakip ng mga salarin.

Sinundan din ito ng pag-aalok ng panibagong P100,000 ni Bulacan Governor Wilhelmino-Sy-Alvarado upang mapabilis ang pag-TUGIS at pagdakip sa mga may kagagawan ng krimen.

Ilang oras makaraang buuin ni Sr. Supt. Romeo Caramat ang Special Investigation Task Group (SITG) na magsasagawa ng pag-TUGIS sa mga salarin, nadakip noong araw ng Miyerkoles, Hunyo 28 ng pasado alas-singko nang hapon o 33 oras makaraan ang karumal-dumal na krimen ang pangunahing suspek na si Carmelino Ibanez alyas ‘Miling’, 26, construction worker na tubong Negros Occidental at naninirahan lamang sa naturan ding lugar sa North Ridge Royal Subdivision.

Nakuha rin ng pulisya kay Ibañez ang ginamit na patalim sa pamamaslang na may bahid pa ng dugo na isusumite sa PNP Crime Laboratory upang alamin kung tutugma ito sa mga biktima.

Bago nadakip ng SITG si Ibañez, inimbita­han na rin ng pulisya ang lima pang katao, kabilang sina Rolando Pacino, Anthony Rose Garcia, Roosevelt Somera, Alvin Mabesa at isang alyas Rod na pawang mga itinuturing na ‘persons of interest’ o posibleng may kinalaman sa krimen bagama’t pinayagan ding makauwi matapos ang ilang mga isinagawang pagtatanong sa kanila ng pulisya.

Kinabukasan, araw ng Huwebes, Hunyo 29, 2017, iniharap ni Chief Supt. Aaron Aquino sa mga mamamahayag si Ibañez matapos na positibong ituro ng testigo na nakitang may bahid ng mga dugo nang lumabas ng bahay ng pamilya Carlos noong madaling-araw nang Martes.

Hindi naman itinanggi ni Ibañez ang bintang at sa halip ay isinalaysay pa niya kay Chief Supt. Aquino, habang kaharap ang kanyang ina at kapatid na babae, kung paano niya pinasok ang bahay ng pamilya Carlos at kung paano isinagawa ang malagim na krimen.

Ayon kay Ibañez, bago nangyari ang krimen ay nag-inuman sila ng kanyang mga kaibigan sa hindi kalayuang lugar ng bahay nina Dexter at pagkaraan ay bumili sila ng shabu na nagkakahalaga ng P150 na kanilang ginamit.

Una’y itinanggi ni Ibañez na may kasama siya nang isagawa ang krimen at sinabing siya lamang mag-isa ang pumasok at pumatay sa mga biktima bago hinalay ang mag-ina.