Abante Tonite Interactive

Marahas na pamamaslang sa limang miyembro ng isang pamilya

Part 7

By
129

Kinabukasan, araw ng Miyerkoles, Hulyo 5, maaga pa lamang ay puno na ang covered court ng mga taong makikiisa sa paghahatid sa labi ng mag-iina sa kanilang huling hantungan sa Citrus Public Cemetery sa San Jose Del Monte.

Sa pagtaya ni Supt. Fritz Macariola, mahi­git sa 2,000 katao, kabilang ang mga kaanak, kaibigan at grupong nakikisimpatiya sa pagpanaw ng pamilya ni Dexter ang makikiisa sa paglilibing sa kabila ng masungit na panahon.

Sa mismong araw din ng libing ng mag-anak ni Dexter, pinasok ng dalawang armadong lalaki na kapwa nakasuot ng helmet at maskarang itim ang bahay ni Rosevelt Merano Sorema, alias ‘Ponga’ na isa sa mga persons of interest sa pagpaslang sa limang miyembro ng pamilya Carlos.

Sa harap ng kanyang asawa’t anak, pinagbabaril si Sorema sa ulo’t katawan ng dalawang armadong lalaki bago tumakas patungo sa hindi nabatid na lugar. Isinugod naman kaagad ng kanyang mga kaanak si Somera sa pinakamalapit na pagamutan subalit idineklara rin siyang dead-on-arrival.

Napag-alaman sa pagsisiyasat ng pulisya na bayaw ni Ibañez si Sorema at sa ilang mga nakalap na impormasyon ng pulisya, sa bahay nito isinagawa ang umano’y ‘pot session’ ng mga persons of interest kung saan dumating din doon si Ibañez na umano’y inutusang pasukin ang bahay ng pamilya Carlos

Tiniyak naman ni Supt. Macariola sa pamil­ya nina Sorema at Pacinos na magsasagawa sila ng malalimang pagsisiyasat sa dalawang magkasunod na pagpatay, kasabay ng isasagawang pag-TUGIS sa mga salarin.

May hinala naman si PNP chief Director­ Gene­ral Ronald Dela Rosa na posibleng kagagawan ng vigilante group ang nangyaring pagpatay kina Pacinos at Sorema habang isa sa sinisilip ng mga imbestigador ay ang posibleng pagpapatahimik sa dalawa ng kanilang mga kasama upang hindi na maikanta pa ang ilan pang krimen na kanilang kinasasangkutan.

Matapos kumalat ang balita sa pagpaslang kina Pacinos at Sorema, kinabukasan, araw ng Huwebes, Hulyo 6, 2017, biglang binawi ni Ibañez ang nauna niyang mga pahayag na kasama siya sa pag-masaker sa limang miyembro ng pamilya ni Dexter.

Sinabi ni Ibañez na inamin niya ang krimen dahil pinahirapan siya ng mga pulis matapos siyang sumuko. Sinuntok aniya siya sa dibdib, binalutan ng plastic sa ulo at minartilyo ang kanyang mga kamay kaya’t nagawa niyang aminin ang pagpatay at panghahalay.

Ang pagbawi ni Ibañez sa kanyang naunang salaysay at ginawa matapos na mag-negatibo siya sa paggamit ng iligal na droga nang isailalim sa drug test.

Ikinaila naman ni Regional Director Chief Supt. Aquino at Supt. Macariola ang alegasyon ni Ibañez lalo na’t kaagad nilang iniharap sa mga mamamahayag ang suspek matapos madakip at wala anumang palatandaan sa kanyang kamay at katawan ng sinasabing torture.