Abante Tonite Interactive

Marahas na pamamaslang sa limang miyembro ng isang pamilya

Part 10

By
228

Hulyo 20 ng taon ding iyon nang sampahan ng San Jose Del Monte City Prosecutor’s Office ng limang bilang na kaso ng murder at isang bilang na kaso ng panggagahasa si Ibanez sa Bulacan Regional Trial Court (RTC)
Isang bilang lang ng kasong Rape ang isinampa kay Ibanez makaraang tumugma sa kanya ang DNA sample na nakuha sa bangkay ni Estrella na positibong hinalay habang hindi naman tumugma ang DNA sample na nakuha sa hinalay ding si Aling Auring.

Bagama’t isinampa na ng pulisya ang mga kaukulang kaso laban kay Ibanez, sinabi ni Regional Director Chief Supt. Aquino na hindi pa nila isinasara ang kaso lalu na’t nagsasagawa rin ng kahalintulad na imbestigasyon ang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) batay na rin sa naging direktiba ng Department of Justice.

Noong Hulyo 29, 2017, binasahan ng sakdal sa limang bilang na kasong murder at rape si Ibanez sa sala ni Bulacan RTC Judge Gregorio Sampaga ng Branch 72 kung saan naghain siya ng not guilty plea, kasama ang abogadong si Atty. Jose Cruz na magdedepensa sa akusasyon laban sa kanya.

Abante Hiring – IT dep

Bago basahan ng sakdal si Ibanez, hiniling muna ng kanyang abogado na suspendihin ang arraignment dahil kailangan aniyang dalhin sa psychiatric hospital ang kanyang kliyente sanhi ng wala ito sa wastong katinuan na kaagad ding ibinasura ng hukom.

Sa kabila nito, pinayagan naman ni Judge Sampaga ang depensa na mapasailalim sa psychiatric evaluation si Ibanez sa oras na hilingin ito sa pamamagitan ng petisyon.

Iniutos din ng hukom na mailipat sa Bulacan Provincial Jail si Ibanez mula sa piitan nito sa San Jose Del Monte city jail bilang proteksiyon na rin sa kanyang kaligtasan.

Itinakda rin ng hukom ang paglilitis ng Agosto 11, 18 at 25 ng taong 2017 bilang pagtugon na rin sa kahilingan ni Atty. Pete Principe at Assistant Provincial Prosecutor Rorie Jose na kumakatawan naman kay Dexter.

Bagama’t hindi pa nagwawakas ang isinasagawang paglilitis ng mababang hukuman laban kay Ibanez na pangunahing suspek sa malagim na masaker, umaasa si Dexter na maigagawad ang katarungan sa pagkamatay ng lahat ng miyembro ng kanyang pamilya.

Sa kanyang huling panayam, aminado si Dexter na hindi pa niya alam kung ano ang magiging takbo ng kanyang buhay lalu na’t madalas pa ring sumasagi sa kanyang isipan ang malagim na sinapit ng kanyang pamilya.

Sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran.