Abante Tonite Interactive

Marahas na pamamaslang sa limang miyembro ng isang pamilya

By
545

Kayamanan ng maituturing ang pagkakaroon ng isang pamilyang puno ng pagmamahalan, kasiyahan, pag-uunawaan at pagtutulu­ngan.

Sa isang pamilyang nagmamahalan nahuhubog ang pagkatao ng bawa’t isang miyembro ng tahanan at dito rin sila humuhugot ng lakas ng loob sa mga panahong mahaharap ang sinuman sa kanila sa anumang uri ng matinding problema

Ang bawa’t miyembro ng isang matatag na pamilya ang nagsisilbing inspirasyon sa pagharap nila sa masalimuot na takbo ng buhay kahit pa nga payak lamang ang kanilang pamumuhay at sapat lamang ang kinikita ng padre-de-pamilya para sa pangangailangan ng bawa’t isa.

Abante Hiring – IT dep

Kaya ang pinakamakasakit na yata sa buhay ng isang padre-de-pamilya na kabilang sa masayang pamilya ay ang biglaang pagkawala ng tuluyan ang lahat ng kanyang mga mahal sa buhay lalo na kung nangyari ito sa marahas na paraan.

Isa lamang si Dexter Carlos, Sr. ng North Ridge Royal Subdivision, Brgy. Sto. Cristo, San Jose Del Monte City, lalawigan ng Bulacan ang ngayon ay maituturing na kabilang sa mga nagdadalamhating ama ng tahanan makaraang maubos ang lahat ng miyembro ng kanyang pamilya sa marahas at karumal-dumal na pamamaraan.

Bilang isang ordinaryong security guard sa isang bangko sa Makati City, sinisikap ni Dexter na maitaguyod ng maayos ang kanyang pamil­ya at mapaghandaan ang pag-aaral ng kanyang mga maliliit pang mga anak.

Sa tatlong anak ni Dexter sa kanyang asawang­ si Estrella, ang 11-taong gulang na si Donny at 7-taong gulang na si Ella pa lamang ang nag-aaral habang nagsisilbi namang anghel na nagbibigay ng karagdagang kasiyahan sa kanilang tahanan ang isang taong gulang nilang anak na si Dexter Jr.

Masuwerteng maituturing si Dexter dahil bukod sa pagkakaroon niya ng maganda at mabait na asawa na nagkaloob sa kanya ng tatlong anak, mayroon din siyang tiyahin na naka-base sa Italy na may busilak na puso na nagbigay ng pahintulot sa kanilang manirahan sa pag-aari nitong bahay sa Block 1 Lot 8 North Ridge Royal Subdivision sa Brgy. Sto. Cristo.

Tubong Cagayan Valley si Dexter habang sa Davao City naman ang kanyang asawang si Estrella subalit minabuti nilang manirahan sa kalungsuran sa paniwalang mas mabibigyan nila ng magandang bukas ang kanilang mga anak, bukod pa sa nasa Makati city ang trabaho ng lalaki.

Bagama’t malayo ang lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan sa lugar na kanyang pinagta-trabahuhan sa isang bangko sa Makati city, hindi naman mahirap para kay Dexter ang magbiyahe lalo na’t nakabili siya ng motorsiklong magagamit sa kanyang pagpasok at pag-uwi.

Nakakatulong din sa kanilang pinansiyal na pangangailangan ang naisipang maliit na negosyo ng kanyang asawang si Estrella na nagtitinda ng tubig mula sa kanilang gripo sa kanilang mga kapitbahay.