Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Marami pa rin ang nag-aabang sa Dacere case

0 188

ISANG linggo na lamang at isang buwan na ang lilipas simula nang pumutok ang kaso hinggil sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Angelica Dacera, 23 anyos, ng General Santos City.

Si Dacera na isang flight attendant ng PAL Express ay natagpuang wala ng buhay sa loob ng City Garden Grand Hotel sa Makati City noong tanghali ng Enero 1, taong kasalukuyan.

Makaraan ang ilang araw ay sinampahan ng kasong rape with homicide ang labing-isang magkakaibigan na iniuugnay sa pagkamatay ng naturang flight attendant na agad-agad ay hinusgahan ng mga tao sa social media.

Naging maagap naman ang mga inaakusahan at agad nagpatawag ng press conference at doon ay isa-isa nilang ipinaliwanag na walang rape at pagpatay na nangyari dahil mga kaanib umano sila ng LGBTQ at kaibigan nila ang nasawi.

Dahil dito ay nagkagulo ang mga netizen dahil nahati ang kanilang mga opinyon sapagkat may mga naghahanap ng katarungan sa panig ni Dacera at may naghahanap na rin ng katarungan sa panig na mga inaakusahan.

Nadagdagan pa ang kaguluhan sa social media nang ibasura ng Office of the City Prosecutor ng Makati ang kasong rape with homicide dahil sa kawalan ng ebidensiya laban sa tatlong suspek na inaresto.

Ayon sa piskalya, walang ebidensiya na may naganap na rape at wala ring makapagpatunay na may sabwatan para maisagawa ang pagpaslang maliban sa inilabas na death certificate na ang sanhi ng kaniyang kamatayan ay raptured aortic aneurysm.

Kaya ang resulta ay inutos ng piskalya na magsagawa ng preliminary investigation upang matukoy ang mga bagay-bagay na may kaugnayan sa kaso at kung dapat bang magsampa ng kaso.

Dito ay naglabasan na ang iba’t-ibang bersiyon ng mga naglipanang kopya ng CCTV na kuha sa loob mismo ng hotel at parehong dumaranas na nang walang humpay na pagbatikos ang nasawi at ang mga inaakusahan.

Related Posts

Huwag kalimutan

Idol

SM SuperKidsDay Banner Ad

Nadagdagan pa ang dinaranas na dalamhati ng pamilya Dacera dahil sa kung anu-anong paninira na ang naglalabasan sa social media at maging sa panig ng mga inaakusahan.

Nasali sa kontrabersiya ang pulisya dahil sa hindi umano nila nagawang magsumite sa piskalya ng DNA analysis, toxicology/chemical analysis at histopath examination na pangunahing kailangan upang madetermina kung anong kaso ang nararapat isampa kung meron man.

Dumagdag pa sa panibagong anggulo nang sampahan ng kaso ng pamilya Dacera ang nagsagawa ng autopsy sa bangkay ni Christine na wala umano nilang pahintulot at nakaapekto umano sa isinagawang autopsy sa bangkay.

Makaraan ang lahat ng ito ay pumasok na ang National Bureau of Investigation (NBI) na agad nagsagawa ng panibagong autopsy at imbestigasyon na hanggang ngayon ay hinihintay pa natin ang resulta.

Sa puntong ito na tila tumamlay na ang sitwasyon at medyo bumaba na ang interes ng publiko hinggil sa kasong ito ngunit marami pa rin ang nag-aabang kung ano ang kahihinatnan ng mga susunod na pangyayari.

Tama ang desisyon ni Chief PNP Police General Debold M. Sinas na sibakin ang hepe ng Makati PNP at iba pang may kinalaman sa kakulangan para maisampa nang maayos ang kaso upang makapagsimula muli.

Kung nagkaroon man nang pagkukulang sa panig ng pulisya ang kasong ito ay naniniwala akong sa dulo ng lahat ng ito ay ang pulisya pa rin ang ating takbuhan para sa mga ganitong uri ng kaso.

Kaya dapat ay huwag tayong pumayag na hindi ito maresolba sa mga darating na araw dahil nakataya dito ang kapalaran ng mga inaakusahan at katarungan kung totoong ginahasa at pinatay si Christine.

Dapat lumabas ang totoo at huwag nating hayaang walang katapusan ang pangyayaring ito dahil naghihintay ang lahat.

Leave A Reply

Your email address will not be published.