Abante Tonite Interactive

Marami pa rin ang nagsasamantala dahil sa COVID-19

491

Sa kabila ng mga panawagan na huwag mag-panic ay marami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi maiwasang gawin ito dahil sa kung anu-anong naglalabasang impormasyon mula sa social media.

Nagkakaroon tuloy ng artificial shortage sa mga pamilihan dahil sa ilang kababayan natin na sa halip na alamin ang sitwasyon ay inuuna ang mataranta.

Katulad na lamang nitong mga nakaraang araw, ilang oras bago magsalita si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagdideklara ng enhanced community quarantine ay kumalat ang balita na wala nang makakalabas ng bahay.

Ang resulta, pila lahat ng grocery, convenience store at mga palengke ay dagsa ang mga mamimili pati na rin ang mga botika ay hindi maawat ang mga tao na naghahabol makapamili sa takot na hindi na makalabas.

Pero nang magsalita na ang Pangulo ay tila wala namang kinalaman sa unang kumalat na balita at wala talagang dahilan para mag-panic ngunit hanggang sa kasalukuyan ay umiiral pa rin ito.

Idagdag pa dito ang senaryo na halos lahat ng tao ay nagmamadaling makauwi ng bahay dahil sa takot na nararamdaman kapag nasa labas ng bahay na baka mahawa sa coronavirus (COVID-19).

Marami sa mga kababayan natin ang ramdam din ang bayanihan o pagiging Pilipino ngunit may ilan ding tayong kababayan na sobrang sinasamantala ang sitwasyon.

Tulad na lamang ng itlog sa palengke, ang dating P180 kada tray ay umaabot na ngayon sa P200 hanggang P220 ang presyo dahil isa ito sa pangunahing binibili ng ating mga kababayan.

Sa isang itlog nga naman ay maitatawid na ang gutom sa murang halaga at hindi ito naiisip ng ilang mapagsamantalang negosyante dahil ang mahalaga sa kanila ay kumita ng malaki.

Ganyan din ang nangyayari sa ibang bilihin at alam kong gumagalaw naman ang Department of Trade and Industry (DTI) hinggil dito ngunit sa dami ng mapaglamang nating kababayan ay hindi lahat kayang sitahin.

Tulad na lamang ng face mask, walang mabili pero meron kapag mataas ang presyo at ang alcohol na suwerte kung may maabutan ka pa sa pamilihan ay may mga nagbibenta sa halagang P1,000 ang isang maliit na galon at wala pang tatak.

Pero dahil pikit-mata na ang ating mga kababayan ay wala na silang pagpilian kung hindi ang patulan ang napakamahal na alcohol na hindi pa sigurado kung ligtas gamitin dahil nga walang label.

Maging ang saging na napabalitang magandang panlaban sa COVID-19 ay parang ginto ang presyo at hindi na kaya ng mahihirap nating kababayan ang presyo kada kilo na umaabot sa halos P100.

Ang masaklap, marami na ang hindi makapaghanapbuhay ng maayos, tulad ng mga driver ng mga pampasaherong sasakyan, tindero ng taho at iba pang kahalintulad nito tapos nagmahal pa ang pangunahing bilihin.

Sa panig ng pamahalaan ay patuloy ang panawagan na huwag magsamantala, ngunit sadyang may mga gahaman tayong kababayan na sinasamantala ang sitwasyon.

Sabagay, huhupa din ang sitwasyong ito at magbabalik tayo sa normal sakaling makahanap na ng solusyon ang mga eksperto sa medisina kaya konting tiis na lamang.

Sa mga nagsamantala, sana makaligtas din kayo sa COVID-19 para magkaroon pa kayo ng pagkakataong magbago.