Abante Tonite Interactive

Maraming batas ang kailangan maamyendahan

23

Isa ang umiiral nating batas sa overloading ang masyado ng luma kaya’t nangangailangan nang maamyendahan upang makasabay naman sa panahon.

Ito ay dahil 1964 pa nang ipasa ang batas hinggil sa overloading o ang Republic Act No. 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.

Sa ilalim ng nasabing batas ay walang ipinapataw na parusa laban sa mga driver at operator kapag nakadisgrasya ng pasahero.

Bukod pa sa walang parusang iginagawad sa driver at operator ay napakamura pa ng ipinapataw na multa sa mga ito.

Malinaw na halimbawa nito ay ang P2,000 at P3,000 multang ipinapataw sa mga kaso ng overloading at parusang suspension ng Certificate of Public Convenience sa una ang ikalawang paglabag.

Ang ganito kababaw na parusa ang nakikita nating rason kaya maraming tsuper at operator ang walang pag-iingat sa pagbibiyahe na nagreresulta ng madalas na malalagim na aksidente.

Kaya sana ay bigyang pansin na ng Kongreso ang pag-amyenda sa napakaluma nang mga batas natin patungkol sa mga pagmamaneho.

Bigatan na ang multa at parusa upang maging maingat ang lahat ng mga nasa sektor ng transportasyon sa pagmamaneho dahil sa pagsasaalang-alang sa malaking multa at mabigat na parusang kakaharapin kapag naka­gawa ng salto o aberya sa pagbibiyahe.

Hindi na sana maghintay pa ng mas malagim pang trahedya ang mga mambabatas bago kumilos at amyendahan ang napakaluma na nating mga batas sa pagmamaneho.

Kesa ubusin ninyo ang oras nyo sa mga walang kapararakang mga panukala o imbestigasyong inyong inilalatag sa Senado na karamihan ay pampersonal lamang naman ang interes, baka maaring idamay niyo na ang usaping ito dahil malaking kapakinabangan para sa taumbayan lalo na sa mga pasahero kapag inyo itong napag-aralan at nalatagan ng mas mabigat na multa at parusa.