Abante Tonite Interactive

Maraming bilib sa Manila Water

2,409

Umapela ang mga customer ng Manila Water kay Pangulong Rodrigo Duterte na ‘wag palitan ang water concessionaire dahil mas malaking tulong ito para sa mga mahihirap lalo na sa depressed area dahil sa murang tubig bukod sa maaasahan ang serbisyo sa lahat ng oras.

Nababahala ang mga mahihirap na residente na umaasa sa murang tubig partikular ng Manila Water na pag-aari ng mga Ayala na baka lalong magmahal ang binabayad nila sa tubig kung papalitan ito ng ibang water concessionaire.

Ayon kay si Kagawad Ives Ebrada ng 1727 Escuela St., Guadalupe Nuevo, Makati malaking tulong sa kanila ang Manila Water dahil nabigyan sila ng sari-sariling metro na nagpamura sa kanilang water bill.

“Sana mabuksan ang isipan ng Pangulo, sana ay ‘wag siyang magpadalos-dalos kung totoong para sa mahihirap at ordinaryong Pilipino siya ay huwag niyang tutulan ang Manila Water dahil malaking tulong ito sa amin,” pahayag ni Kag. Ebrada.

Aniya, 1996 pa sila naging customer ng Manila Water at laking ginhawa talaga ang serbisyo nito sa kanilang barangay.

“Kung dati ay nag-iigib pa ako ng tubig gamit sa mga karatig-barangay namin, ngayon ay hindi na dahil sa maayos na serbisyo ng Manila Water,” ayon pa kay Ebrada.

Labis din aniya ang kasiyahan niya dahil nagkaroon sila ng tatlong stand pipe na kagaya ng fire hydrant. “La­king pasalamat ko sa Manila Water at binigyan niya kami ng tatlong stand pipe na ikinalat sa mga lugar namin.Hindi man makapasok ang fire truck siguradong ligtas kaming lahay, hindi lang buhay, kundi maging ari-arian naming lahat,” sabi pa ni Ebrada na bukod sa isang kagawad ay tumatayo ring fire volunteer

Pag tinanggal ang Manila Water saan kami kukuhang mga fire volunteer ng tubig,” apela pa nito.

Ayon naman kay Gildo Aviles ng 28 Bai Compound, Visayas Ave. Quezon City, dalawang dekada nang customer ng Manila Water na huwag namang pagbuntunan ng sisi ang kompanya dahil malaking ginhawa ang hatid sa kanila ng Manila Water.

“Malaking bagay ang Manila Water sa aming mahihirap, lalo na ang mga nasa depressed area. Mula nang pasukin ng Manila Water ang patubig sa mga barangay lalo na dito sa amin ay nakatulong talaga ng malaki,” pahayag ni Aviles sa isang panayam.

Noon aniyang hawak ng MWSS ang tubig ay hirap silang magkaroon ng sariling metro ng tubig dahil mara­ming hinahanap na dokumento katulad ng titulo ng lupa. Wala silang mailabas dahil pag-aari aniya ng gobyerno ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay.

Nang dumating umano ang Manila Water ay laking tuwa nila dahil wala na ang mga hinihinging mga reki­sitos at nabigyan na sila ng sari-sariling metro ng tubig.

Ang sariling metro ng tubig ay nagresulta din aniya ng murang bayarin sa tubig bukod pa sa 24-oras silang may serbisyo ng tubig.

“Hindi lang ako nasa 400 na kami dito sa barangay ang may sariling metro ng tubig,” pagbibida pa ni Aviles.

Matatandaang nagbanta ang Pangulo sa Manila Water at Maynilad na kakasuhan at ipakukulong ang mga opisyal ng ng dalawang nabanggit na water concessionaire.
Ginawa raw kasing negosyo ang tubig at naka­lagay pa sa concessiona agreement na kapag pini­gil ang dagdag-singil, gobyerno ang kakasuhan sa arbitration court.

Kamakailan ay lumabas ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration na nakabase sa Singapore kung saan inatasan ang gobyerno na bayaran ng P7.39 bil­yon ang Manila Water nang hindi pinayagang magtaas-singil sa tubig ang Manila Water noong 2015.

Samantala, bukas si Justice Secretary Menardo Guevarra sa anumang opsyon para makabuo ng compromise deal ang gobyerno sa Manila Water at Maynilad.
Aniya, mas interesado umano ang gobyerno na magkaroon ng bagong kasunduan kaysa pumasok sa anumang agreement .