Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maraming dapat ipaliwanag ang DepEd

0 74

May sampung guro raw sa Isabela ang tinamaan ng coronavirus disease o COVID-19 noong nakaraang linggo. Pero depensa agad ng School Division Office, hindi nila nakuha ang sakit sa pamamahagi ng learning modules sa kanilang mga mag-aaral.

Ganito mag report ang Department of Education, manaka naka na para bang nakikinig ka sa weather update ng PAGASA. Wala silang listahan kung ilang guro na ba ang tinamaan at nasawi sa coronavirus sapul noong Marso.

Mabuti pa ang Department of Foreign Affairs, bilang nila ang dami ng overseas Filipino workers na dinapuan, namatay o gumaling sa COVID-19. Maging ang Philippine National Police, bilang nila ang mga pulis na nagkasakit, gumaling at kinuha ni kamatayan.

Pero sa DepEd, wala yata silang listahan ng mga guro at non-teaching staff na nadale ng nakamamatay na virus. Eh paano naman kasi, kung malalantad halimbawa na 10,000 guro na ang nagkaroon ng COVID-19, tiyak na ipapanawagan ng publiko na ipatigil na ang pagdaros ng klase. Kumbaga magkakaroon ng black-eye ang kagawaran sa pagpupumilit nilang ituloy ang klase kahit may pandemya.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Kahit na ba sabihing blended learning ang paraan ng pagtuturo ngayong academic year, hindi pa rin ligtas ang mga guro dahil kailangan pa rin nilang lumabas ng bahay para magtungo ng eskuwelahan, gayundin sa distribusyon ng learning modules.

Kapag nagkasakit ba ang mga guro, sagot ng DepEd ang pagpapa-ospital? Sa kaso ng 10 guro sa Isabela, ang nabasa kong balita ay ipina-quarantine lamang sila. Marapat lamang na pagkalooban ang mga guro ng libreng healthcare services. Sila ang itinuturing na frontliner sa pagbibigay ng edukasyon sa mga kabataan.

Ilang beses na nating napanood ang kalbaryo ng mga guro na kinailangan pang maglakad ng ilang oras, umakyat ng bundok, tumawid ng ilog, sumakay ng heavy equipment vehicle para lamang maihatid sa mga mag-aaral ang learning modules. Hindi lang sila pagod sa maghapong trabaho, nilagay din nila sa hukay ang kabilang paa.

Magda-dalawang linggo na ngayon ang klase. Kumusta naman kaya ang mga mag-aaral. Totoo bang marami na ang nagdrop dahil hirap sa internet connection? Totoo bang maraming estudyante ang umayaw matapos mangamote sa learning modules? Sana ibulatlat ng DepEd ang tunay na score.

Leave A Reply

Your email address will not be published.