Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maraming dapat ipaliwanag ang Meralco

0 551

Hanggang ngayon, kahit anong paliwanag ng Manila Electric Company o Meralco kaugnay ng ‘bill shock’ hindi pa rin matanggap ng kanilang mga consumer kung paanong nagkaroon sila ng ganoong kataas na konsumo sa panahon ng lockdown.

Ang mali kasi ng Meralco hindi nilang naipaliwanag nang mabuti sa monthly bills ng kanilang mga customer kaya ayun patuloy ang pag-alburoto ng kanilang mga kliyente.

Kahit ang mga senador, tulad ni Senador Win Gatchalian at Senador Francis Tolentino, nabuwisit na din dahil paniwala nagkaroon ng overestimation ang Meralco kaya’t ganoon na ang paglobo ng kanilang bayarin.

Well, umamin naman ang Meralco diyan nabigo silang magpaliwanag sa ‘overestimation’ at ‘underestimation’ sa monthly billing ng kailang mga konsumer.

Dahil sa overestimation nakita ang sablay ng Meralco. Kasi nga naman, halimbawa doon sa kaso ni Sen. Gatchalian na hindi niya ginamit ang kanyang condo ng halos isang buwan pero mataas pa rin ang kanyang bill ng buwang iyon. So talagang may mali.

Ang tao naman, walang choice eh. Takot silang maputulan kaya’t binabayaran na nila kahit labag sa kanilang kalooban.

Alam naman ng tao ang monthly average ng kanilang electricity consumption lalo na kapag summer kung saan usually tumataas talaga ang konsumo. Expected na rin tataas talaga ang gamit ng kuryente lalo na nang ipatupad ang lockdown sa buong Luzon.

Pero ang nakakapikon iyong sobra naman ang pagtatantiya o overestimation ng Meralco, kaya naman talagang magpapanting ang tenga dahil hindi naman talaga kapani-paniwala.

Ngayong umamin na ang Meralco na nagkamali sila at nag-sorry pa sa kanilang mga customer, kailangan nilang aksiyonan ang reklamo ng kanilang mga kliyente.

Simple lang naman ang gagawin, ipaliwanag ng malinaw at simple, hindi iyong gumagamit ng mga termino na sila lang ang nakakaalam at hindi maintindihan ng ordinaryong mamamayan.

Pero sigurado hindi tatantanan ng ilang consumer group ang isyung ito dahil halata naman umaabos talaga ang power firm na ito. Kaya hindi malayong magkaroon ng class suit laban sa Meralcon sa hinaharap.

Mantakin n’yo, 47,000 ang reklamong natanggap ng Energy Regulation Commission (ERC) laban sa Meralco. Ang dami nun ha. Sabi nga ng ERC, na-complaint shock nga daw sila sa dami ng reklamong natanggap.

Sabi ng ni Senador Tolentino, may pananagutan ang Meralco sa likod ng confusion ng kanilang monthly bills at paglabag umano ito sa Article 102 of the Consumer Act of the Philippines.

Ang nakakapikon pa, sa kabila ng mataas na electricity charges, maraming lugar sa bansa ang nakakaranas ng brown outs.

Kailangang imbestigahang mabuti ito ng ERC at pag-aralan ang paghahain ng kaso laban sa Meralco dahil sa kanilang ‘anti-consumer’ billing practice sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Hindi na naman bago ang class suit laban sa Meralco dahil nagawa na ilang beses. Kung may nakitang paglabag ang Meralco, kailangan nilang managot sa taumbayan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.