Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maraming lulong sa online sabong

0 423

Dahil sa napakatagal na lockdown at paiba-ibang quarantine classifications ay maraming paghihigpit na ipinatupad ng gobyerno sa halos lahat ng uri ng negosyo, kabuhayan at maging sa mga panandaliang aliw na pantanggal stress umano gaya ng sabong.

Ang sabi ng gobyerno, para maiwasan ang kontaminasyon sa bagsik ng COVID-19 ay wala munang maramihang pagtitipon-tipon, maging ito man ay pampamilya, religious gatherings at iba pang maraming aktibiad.

At dahil hindi puwede ang nakagawiang sabong , nabaling ang atensiyon ng mga sabungero sa online sabong na siyang kinalolokohan ngayon ng maraming Pilipino.

Hindi lang mga sabungerong nasa Pilipinas ang nahumaling sa online sabong kundi maging ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa gaya ng mga nasa barko.

Ang online sabong ang naging libangan ng mga marinong Pinoy pamalit sa kanilang lungkot sa malayong pamilya pero huli na kapag napagtanto na nalulong na pala sa bisyo.

Minsan sumasablay na sa pagpapadala ng sustento sa pamilya sa Pilipinas ang mga seaman lalo na kung malaki ang natatalo sa bisyo sa online sabong kaya kung ano-anong dahilan ang naiisip para lamang makapagpalusot kahit pa magutom ang iniwang pamilya.

Marami ring pabirong kuwento sa social media kaugnay sa pagkalulong sa sabong pero may bahid katotohanan ang ilan sa mga ito na idinaan na lamang sa pagbibiro.

Halimbawa , ipagmamalaking nakabili na ng bisikleta dahil sa online sabong, yun pala ay dahil naibenta o naisanla ang mamahaling motorsiklo o kotse dahil sa bisyo.

May mga pamilya na ring nasira dahil sa online sabong dahil mas inuuna ang bisyo kaysa kapakanan ng pamilya lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Pero tila ba hindi ito napapansin ng gobyerno at mga mambabatas dahil sa pagiging abala sa pagtutok sa problema sa COVID pandemic.

Ayon sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, hindi nila isinama sa hinigpitan ang online sabong dahil walang maraming tao na magpapatakbo nito at ipinaubaya sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang superbisyon nito.

Marami ang nagtataka kung bakit pinayagang mag-operate ang online sabong gayong ang mga casino ay tigil-operasyon na pareho din namang sugal.

Dahil sa pagkalulong ng maraming Pinoy sa online sabong, hindi birong salapi ang nakukubra ng mga nagpapatakbo nito at talagang tiba-tiba sa limpak-limpak na kuwartang nakukuha sa mga Pinoy.

Tila ba nakakita ng balon ng pera ang mga sabong operator mula sa mga nalulong sa bisyo at hindi inisip na maraming pamilya ang magugutom dahil sa kanilang operasyon lalo na ngayong panahon ng pandemya na halos walang hanapbuhay ang mga ito.

Wala ba kayong kabusugan sa pera at patuloy ninyong pinagsasamantalahan at hinahatak sa bisyo ang mga Pilipinong madaling madaig ng tukso?

Sana bawas-bawasan ang kasibaan sa pera at isipin ang buhay ng mga Pinoy na halos isanla lahat para sa pagbabakasakaling maka-jackpot sa online sabong .

Panahon ng pandemya, tama na muna ang pagsamba sa salapi at sa halip ay isipin kung paano makatulong sa kapwa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.