Abante Tonite Interactive

Maraming magagawa sa panahon ng ECQ

267

Ipagpaumanhin po ninyo mga giliw naming ka-Abante TONITE na hindi muna sports ang magiging paksa ng Turning Point ngayong araw.

Marami sa atin ang bagot na sa umiiral na Enhanced Community Quarantine na pinatupad ng pamahalaan.

Tama lang naman ang hakbang ng gobyerno kahit medyo huli na dahil sa marami na itong kinitil na buhay at patuloy pa na nanghahawa.

Aaminin ko pong inip na rin ako sa ilang araw na ring umiiral na ECQ.

Iyan po ay kahit patuloy naman kaming may ‘work from home’ mula sa aming mga boss sa Prage Management Services na sina President Rey Marfil at General Manager Gil Cabacungan Jr.

Habang nasa bahay monitor sa mga balita sa television, basa at tweet din ng ilang oras sa mga istorya. Pagdating ng hapon hanggang gabi, trabaho sa mga ine-edit na sports stories mula sa mga sports reporter naming sina Elech Dawa, Lito Oredo, Janiel Abby Toralba at Aivan Denzel Episcope.

Kasama rin siyempre ang patuloy na padala ng sports column nina Dawa at Oredo. Gayundin nina Raymark Patriarca, Alec Paolo Ventocilla, Charlie Favis at Noli Cruz para sa Abante TONITE. Hiwalay siyempre ang trabaho naming ng kapwa ko sports editor sa Abante naman na si Ferdz delos Santos.

Pero sa umaga sa bahay pa rin, patuloy ang linis ko sa mga gamit. Magmula sa mga cabinet, aparador, mga kasuluksulukan, bakuran, bubong, dilig ng mga halaman, at butingting pa sa ibang bahagi ng kabahayan ang pinagkakaabalahan ko araw-araw.

Siyempre una sa lahat pagkagising sa umaga ang panalangin sa Poong Maykapal na sana matapos na ang COVID kasabay sa pagbait uli ng sangkatauhan mula sa nakuha nating aral sa virus.

Nariyan din ang pangangaral sa dalawa kong anak.

Ilan lang iyan sa mga pinagkakaabalahan ko sa bawat araw.

Kasama pa rin siyempre ang mga panalangin sa Diyos ang bago matulog, kumain at kung lalabas ng tahanan.

Kaya marami tayong magagawang makabuluhan habang paalis pa lang si COVID.