Abante Tonite Interactive

Maraming nangamote

By
322

Tulad ng inaasahan, muling bumandera si Senador Grace Poe sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.

Nakakuha ang anak ni Da King ng 70.8 percent boto ng 1,200 respondents sa isinagawang survey noong Marso 23 hanggang 28. Malayo ang agwat ni Poe sa puma­ngalawang si Senador Cynthia Villar.

Kung ngayon gagawin ang halalan, hindi ka­yang pataubin ni Villar sa number one spot si Poe dahil malayo ito sa nakuhang 55.6 percent. Ika nga, mangangamote si Villar kay Poe. May tulog pa nga si Villar kay Taguig Rep. Pia Cayetano na nasa number 3 spot sa nakuhang 53.8 percent.

Abante Hiring – IT dep

Nakatutuwa rin na ang umokupa ng top 6 ay pawang mga kababaihan sa pangunguna ni Poe at ang tanging nakasingit na lalaki ay si Senador Sonny Angara na nasa ika-5 puwesto sa nakuhang 44.9 percent. Ika-4 si Senador Nancy Binay na may 45.8 percent at pang-6 si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na may 43.8 percent.

Ang top 7-12 naman ay inokupa nina Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, dating Senador Sergio Osmeña III, TV host Erwin Tulfo, dating Senador Lito Lapid, da­ting PNP chief Ronald dela Rosa at dating Senador Jinggoy Estrada.

Out naman sa Magic 12 sina Ilocos Norte Gov. Imee Marcos, Senador Bam Aquino at Senador JV Ejercito na umokupa ng 13-15 puwesto. Kabuntot nila sina Robin Padilla, Quezon City Mayor Herbert Bautista, Ted Failon, Mar Roxas at Teofisto ‘TG’ Guingona III.

Kumusta naman ang mga ibini-build up ni Koko at House Speaker Pantaleon Alvarez?

Mukhang nangamote sa survey ang ibang ikinokonsidera ng administrasyon na makasama sa line-up ng PDP-Laban, tulad ni Bataan Rep. Geraldine Roman na kulelat sa 58 probable senatorial bets. Nangamote rin sa survey sina ‘selfie king’ at Special Assistant to the President Christopher ‘Bong’ Go, Presidential Spokesperson Harry Roque, Orien­tal Mindoro Rep. Rey Umali at PCOO Assistant Secretary Mocha Uson.

Panahon na lang ang makapagsasabi kung tatalab sa mga nangamoteng senatoriable ang Digong’s Magic.

***
Naglutangan na ang reklamo laban sa mga Grab driver, ilang araw matapos magbabala ang ilang mambabatas na tiyak na aabusuhin ng Transport Network Company (TNC) ang mono­polyo nila sa app-based transport service.

Naging asal taxi driver na rin ang marami sa kanila. ‘Yung panghihingi ng dagdag sa pasahe at pagtanggi sa pasahero ay ginagawa na rin nila. Hindi ba’t ang mga reklamong ito ang naging dahilan kung bakit pumatok ang mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) na siyang nagpalaos sa mga taxi?

Ngayon, ang mga TNVS naman ang gumawa ng ganitong kabalbalan sa riding public. Kung tutuusin, halos doble na nga ang singil nila kum­para sa taxi, manghihingi pa sila ng dagdag.

Kahit in-accredit na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga bagong player, matatagalan pa siguro bago bungguin ng mga ito ang naghahari nga­yon sa kalsada na Grab upang magkaroon ng healthy competition. Habang hindi pa ito nangyayari, umaasa na lang muna ang publiko sa LTFRB na bumaston sa mga pasaway na Grab driver.

Balita ko, 500 Grab driver ang pinarusahan dahil sa reklamo ng trip cancellations. Sana hindi ito ningas kugon tuwing may mainit na isyu lang sa mga Grab driver, kundi araw-araw, gabi-gabi nila itong ipatupad.