Abante Tonite Interactive

Maraming number 8 na pasaway

By
247

Hindi nakaligtas sa social media ang pagparada ng isang kongresista ng kanyang sasakyan sa isang wheelchair ramp.

Kahapon ay nag-viral sa social media ang nakuhanang lara­wan ng sasak­yan ni Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian na may plakang “8” sa isang restaurant sa Mindanao Avenue, Quezon City.

Kaya naman nag-sorry agad ang mambabatas sa pangyayari.

Ayon sa opisyal, sinuspende na nito nang isang taon ang kanyang empleyado dahil sa maling pagparada.

Malas si Cong dahil naispatan ito ng malilikot na mata ng netizens.

Hindi naman talaga tama ang ginawa ng kung sinumang nagdadala ng sasak­yan ng mambabatas.

Maling-mali ito, lalo na’t isa pa siyang opisyal ng gobyerno. Magsilbing leksiyon sana ito sa lahat, hindi lang sa mga taong gobyerno.

Kailangang alam natin ang ating kinalalagyan. Alam natin kung saan tayo pupuwesto.

Related Posts

Huwag na huwag nating gagamitin ang kapansanan ng ilan para makapanlamang sa kapwa.

Sabagay, hindi lang si Cong ang minalas na maispatan dahil napakarami pang gumagamit ng numero 8 para makapanlamang sa kalye.

Marami pa nga riyan, gumagamit ng number 8 ga­yong ilang taon nang paso ang rehistro ng kanilang sasakyan.

***

Sa ngayon ay nagkalat talaga ang mga motoristang pasaway. Mga gumagamit sa sitwasyon ng kababayan nating person with disability (PWD) para gumaan, makapanlamang.

Maraming ganyan sa mga pampublikong sasakyan, ka­tulad ng MRT, LRT. Sumasabay sa mga may kapansanan o may edad para hindi mahirapan.

Masuwerte lamang ang mga ito dahil hindi sila nasisita. May iba namang pinapalusot na lamang ang kakapalan ng mukha ng ilan.

Nakakagigil lang kasi lalo na’t makakakita ka sa MRT o LRT ng may edad, may kapansanan at may mga bitbit na bata na hirap na hirap pero may ilan namang nagtutulug-tulugang malalakas pa sa kalabaw ay hindi makapag-alok ng mauupuan.

Kaya sana ay higpitan pa ang batas laban sa mga mapagsamantala sa mga ating mga may kapansanang kababayan para matakot ang ilang walang paki sa kalagayan ng mga tunay na may kapansanan.