Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maraming pagbabago sa pagsalubong ng Pasko

0 150

KILALA ang ating bansa na may pinakamahabang selebrasyon ng Kapaskuhan dahil sa Septyembre pa lamang ay may mga kababayan na tayong puno na ng Christmas decoration ang buong bahay.

Maging ang mga shopping mall ay hindi naman nagbago ng sistema dahil tulad ng dati ay regular nang naririnig ang pagpapatugtog ng Christmas song at kabi-kabila na rin ang mga mga display na may kaugnayan sa Pasko.

Maging ang Baclaran at Divisoria na paboritong dinadayo ng mga mamimili sa tuwing sasapit ang kapaskuhan ay naglipana na ang mga nagbibenta ng Christmas tree at iba’t-ibang klase ng mga maaaring ipangregalo.

Sa aspetong ito ay tila wala namang nabago maliban sa tila maraming mamimili sa ngayon ang hindi na muna sasabay sa magarbong pagdiriwang dahil sa dinaranas nating pandemya.

Hindi ba’t kamakailan lamang ay uminit ang usapin kung magbibigay ba ng 13th month pay ang mga kumpanya dahil nga sa napakarami ng nalugi at naubliga lamang magsipagbukas muli para makabawi.

Hanggang sa makialam na ang Palasyo na dapat umanong pairalin ang batas at kailangang ibigay ang para sa manggagawa na itinakda ng batas kaya medyo nakahinga ang maraming manggagawa.

Hanggang ngayon ay usapin pa rin kung paano isasagawa ang paparating na Simbang Gabi, dahil sa hanggang ngayon ay limitado pa rin ang bilang ng mga pinapayagang dumalo sa mga kahalintulad na pagtitipon.

Alam naman nating mariresolba ang suliraning ito na nakagawian na ng marami sa ating kababayan ngunit isa ito sa sinasabi kong pagbabago sa mas marami pang pagbabago na ating kakaharapin ngayong kapaskuhan.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Dahil sa banta pa rin ng pandemya, ipinag-utos na ng pamahalaan na bawal na muna ang Christmas party sa National Capital Region (NCR) at ibang lugar na mataas pa rin ang kaso ng COVID-19.

Isang napakalungkot na balita ang kautusang ito sa panig ng mga manggawang kahit paano ay may trabaho at may kakayahang mag-shopping para sa kani-kanilang mahal sa buhay.

Ngunit balewala naman sa marami nating kababayan ang pagbabawal sa Christmas party, partikular doon sa mga nawalan ng hanapbuhay dahil para sa kanila ang makaraos lamang sa pang-araw-araw na pamumuhay ay sapat na.

Kung marami sa ating mga kababayan ang natutuwa kapag nakakarinig ng Christmas song ay higit na marami ang tila binabayo ang dibdib at nakakaramdam ng kalungkutan dahil sa walang katiyakan nilang sitwasyon.

Lalo pa at patuloy na ang pagluluwag sa mga quarantine protocol upang bigyang daan ang pagbangon ng ekonomiya na mahigit kalahating taon nang nakalugmok dahil sa pandemya.

Ang unti-unting pagbubukas ng mga establisemento at mga negosyo ay isang patunay na marami na sa ating mga kababayan ang natuto na kung paano makaiwas sa COVID-19 gamit ang umiiral na health protocol.

Ngunit ang masaklap na katotohanan ay wala pa ring nagbabago sa banta ng COVID-19 dahil nananatili pa rin sila sa napakaraming lugar at puwede pa rin tayong mahawa anumang oras.

Marahil sa panahong ito ay dapat na nating ipagpasalamat na hanggang sa kasalukuyan ay buhay pa tayo at ang mga mahal natin sa buhay na kahit medyo hirap ay nakakaraos naman.

Ang pananatili nating malusog kabilang na ang mga mahal natin sa buhay ay isang napakamahalagang regalo na, na dapat ipagpasalamat kahit magkaroon pa ng malaking pagbabago ang pagsalubong natin sa Pasko.

Leave A Reply

Your email address will not be published.